Sasabak ang Association of Boxing Alliances of the Philippines (ABAP) sa dalawang internasyonal na torneo, tampok ang isang qualifying sa 2016 Rio de Janeiro Olympics.
Sinabi ni ABAP Executive Director Ed Picson na pinaghahandaan ngayon ng mga boksingero ang World Junior and Youth Championships sa Mayo sa Chinese Taipei at maging ang World Men’s Championships sa Doha, Qatar sa Oktubre 11 hanggang 27.
“We had the SEA Games sa Singapore as priority right now pero siyempre our training does not end there because we have other international tournament for the women and youth plus the continental and world qualifying for the Rio Olympics,” sinabi ni Picson.
Tatlong boksingero ang nais ipadala ng ABAP sa kambal na torneo sa World Junior and Youth meet habang lima hanggang anim naman sa World Men’s
Championships. Ang World Junior ay para sa mga boksingero na may edad 13-15 habang ang Youth ay para naman sa 17-18 anyos.
Humiling na rin ng pagsasanay sa iba’t ibang training camp sa labas ng bansa ang ABAP sa Philippine Sports Commission (PSC) habang naghahanap ito ng isang posibleng foreign coach na siyang makapapalit ng dating consultant na si Kevin Smith.
“Hindi pa naaaprubahan ng mga sinulatan naming bansa kung puwede kaming dumayo sa kanilang training camps,” pahayag ni Picson. “Right now, nag-iisip pa kami kung kukuha ng foreign coach dahil una masyadong mahal at mahirap talagang kumuha ng de-kalidad,” giit pa nito.
Matatandaan na una nang kinausap ng ABAP upang maging consultant si Smith. Gayunman, itinalaga na bilang head coach ng Australia si Smith sapul pa noong Marso sa nakaraaang taon kaya hindi na nito kayang matugunan ang paghahanda at pagsasanay ng pambansang atleta.