ANG bawang ay gamot sa altapresyon; pinaniniwalaan ding mabisang panlaban ito sa mga aswang. Masarap itong panghalo sa sinangag sa umagahan. Gayunman, nakapagtatakang bigla ang pagsikad ng presyo nito noong nakaraang taon kung kaya tinanong ako ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko kung ito ay naging in demand sa palengke dahil marami ang nagkakaalta-presyon o dumami ang mga aswang.

Sa puntong ito, noong Huwebes ay bumandila sa mga pahayagan ang balitang 119 katao, kabilang ang dating hepe ng Bureau of Plant Industry (BPI) at dalawa nitong tauhan, ang sinampahan ng kasong kriminal sa Office of the Ombudsman dahil sa diumano sa pagkakasangkot sa biglaan at nakalululang pagtaas ng presyo ng bawang! Sa imbestigasyon ng NBI na iniutos ni DOJ Sec. Leila De Lima, lumitaw na isang garlic cartel ang nago-operate kasabuwat ang ilang opisyal ng BPI. Lumabas ding pinagkalooban ng dating hepe ng BPI ng garlic importation permits ang ilang kuwestiyunableng importers o dummy companies kapalit ng P240,000.

Sangkaterbang anomalya at kurapsiyon ang umiiral ngayon mula sa bilyun-bilyong pisong Priority Development Assistance Fund o pork barrel, Disbursement Acceleration Program (DAP), hanggang sa MRT, LRT, BOC, LTFRB, LTO at ngayon nga ay sa BPI. “Kung walang corrupt, walang mahirap.” Samaktuwid, dahil marami pa rin ang mahirap at walang trabaho, ang kurapsiyon na binabaka ni PNoy ay nananatili.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kahindik-hindik ang naganap na pagsalakay at pagpapasabog ng mga terorista sa tanggapan ng “Charlie Hebdo” Magazine sa Paris, France. Napatay ang 10 journalist at dalawang pulis. Ang magasin o pahayagan ay tinarget diumano ng mga militante na kasapi ng ISIS dahil binibira nito ang relihiyong Islam at nilagyan pa ng caricature si Prophet Mohammed.

Sa Pilipinas na malaya ang pamamahayag, hindi pa naman nangyayari ito. By the way, pinagtibay ng Court of Appeals ang hatol laban kay Crisostomo Ibarra, este Carlos Celdran, isang tour guide at RH advocate, kaugnay ng krimeng nakaiinsulto sa religious feelings nang siya’y magsisigaw habang hawak ang placard na may nakasulat na “Padre Damaso” habang may misa sa Manila Cathedral noong 2010.