Ni RIZALDY COMANDA
BONTOC, Mt. Province – Dalawang mag-aaral sa elementarya ang namatay at lubha namang nasugatan ang kanilang lola matapos masunog ang kanilang bahay, samantalang isang 58 taong gulang na ginang naman ang namatay nang mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang van sa magkahiwalay na insidente sa Tadian, Mountain Province noong Sabado.
Ayon kay Senior Supt. Oliver Enmodias, director ng Mountain Province Police Provincial Office, tupok na ang bahay ni Rita Wayaan Sagang sa Sitio Ketang sa Barangay Tue nang datnan ng mga nagresponde mula sa Tadian Fire Station at pulisya. Sunog na bangkay na nang matagpuan ang dalawang anak ni Sagang na sina Febelyn Waya-an Sagang, 9, Grade IV pupil; at Edison Waya-an Sagang, 5, preschool, matapos maapula ang sunog dakong 3:00 ng umaga.
Sa imbestigasyon, dakong 12:30 ng hatinggabi noong Sabado nang nagising si Rita at naramdamang nasusunog ang ibabang bahagi ng bahay mula sa kusina.
Agad na bumaba ang ginang pero malakas na umano ang apoy at mabilis itong kumalat sa loob ng bahay, na gawa sa pine wood.
Sinabi ni Rita na hindi na niya nagawang iligtas ang dalawang anak na natutulog, dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy at tanging ang sugatan niyang ina na si Mary Wayaan ang nahila niya palabas ng bahay.
Samantala, agad na namatay si Evelyn Aliguid Oyaden, 58, ng Bgy. Batayan, nang mahulog sa bangin ang sinasakyan niyang pampasaherong van (WSU-329) dakong 12:20 ng tanghali noong Sabado sa Sitio Makitkiteb sa Bgy. Masla,Tadian, Mt. Province.
Sakay sa van, na minamaneho ni Manny Wawey, 42, ang limang pasahero patungo sa karatigbayan ng Bauko nang mawalan umano ng preno ang sasakyan habang papaliko sa kurbadang kalsada na nagtuluy-tuloy sa may 100-metro ang lalim na bangin.
Sugatan at ginagamot sa Luis Hora Memorial Hospital sina Alexander Gorinto, 16, high school student; Jessica Cagan, 21, 4th year college; Agripina Balusdan, 31; David Balusdan, 4; at ang driver na si Wawey.