Dahil tatlong araw na lang ang nalalabi bago ang pagdating ni Pope Francis sa bansa, magsasagawa ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng dry run sa convoy ng Papa na magsisimula ng 6:00 ng gabi sa Villamor Airbase sa Pasay City.
Ayon sa MMDA, ang dry run ay bahagi ng inihahandang security measure sa limang araw na papal visit.
Simula sa Villamor Airbase, na inaasahang lalapag ang eroplano ni Pope Francis galing sa Sri Lanka dakong 5:45 ng Huwebes ng hapon, ay magtutungo ang convoy sa Apostolic Nunciature sa Taft Avenue sa Maynila at doon ito pansamantalaang manunuluyan.
“Ito ay magiging aktuwal na simulation ng pagdating ni Pope Francis sa airport, na magtutungong Andrews Avenue, Roxas Blvd., Quirino Avenue at sa papal residence,” pahayag ni MMDA Chairman Francis Tolentino kasabay ng apela ng pang-unawa mula sa mga motorista na maaapektuhan ng dry run.
“Ito lamang ang pagkakataon na masusuring mabuti ng mga security expert ang inilatag na preparasyon ng gobyerno hinggil sa papal visit. Kailangan nating tiyakin ang kaligtasan ng Papa,” dagdag ng MMDA chairman. - Christina Hermoso