MULI, ang Supreme Court (SC) ay nagiging huling dulugan ng mga mamamayan laban sa mga ahensiya ng gobyernong gumigiit na gawin ang mga bagay sa sarili nilang pamamaraan, nang hindi pinapansin ang mga katanungang ibinabato sa kanila.
Ang huling isyu na idudulog sa SC ay ang pagsama ng pork barrel funds at ng malaking lump-sum appropriations sa 2015 General Appropriations Act, na labag sa Konstitusyon.
Ang pork-barrel funds ng mga mambabatas, ayon sa reklamong isinampa ng maraming petitioner, ay mahusay na naisingit ng Department of Budget and Management (DBM) sa mga budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pang national government agencies.
Ang mas mahirap ipaliwanag ay ang bilyun-bilyong lump-sum appropriations, na walang tiyak na detalye o proyekto. May P2 bilyon para sa isang contingent fund, P1 bilyon para sa rehabilitation at reconstruction, P31.1 bilyon para sa pamahalaang lokal, P7.4 bilyon para sa international commitments, P118.1 bilyoln para sa iba’t ibang personnel benefits, P140.6 bilyon para sa pensions at gratuities, at P372.9 bilyon para sa debt service.
Ang malalaking halagang ito ay walang detalye. Maaaring nabigo ang DBM na gawin ang trabaho nitong magbalangkas ng angkop na budget o sinadya nitong lumikha ng malalalim na balon ng resources na pagsasalukan kalaunan ng gobyerno para sa mga bagay na wala namang kaugnayan sa inilagay na paggagamitan ng lump-sum. May suspetsang ang pondo ay made-to-order para ipanustos sa eleksiyon.
May iba pang isyu na kaugnay ng eleksiyon ang nakatakdang hahantong sa SC. Ang Commission on Elections, sa paglabag ng Republic Act 9184, ay inaprubahan nang walang bidding ang P300 milyong halaga ng kontrata sa kumpanyang Smartmatic na susuri sa 80,000 PCOS machine na ginamit sa halalan noong 2010 at 2013.
Sa harap ng kontrobersiya sa paggamit ng PCOS machines para sa 2016 elections, nanindigan ang Malacañang na patuloy itong nagtitiwala sa Comelec. Kitang-kita naman na mahigpit ang koordinasyon ng dalawa sa bagay na ito.
Ang budget at ang mga isyu sa PCOS ay matagal nang tinatalakay sa congressional at public forms ngunit parang gumugulong pasulong ang mga ito tulad ng malalaking tren. Kahit na magtagumpay ang mga petisyon sa Supreme Court sa pagpapabagal sa mga ito, umaasa tayo na isasailalim ng hukuman ang mga ito sa matapat na deliberasyon hanggang magkaroon ng makatarungang desisyon.