Puro lamang pa-pogi pero wala namang maiaalok na solusyon sa mga aberya sa MRT at LRT ang mga personalidad at grupong tutol sa tas-pasahe.

Ito ang buwelta ni Pangulong Benigno S. Aquino III sa mga kritiko ng Light Rial Transit-Metro Rail Transit (LRT-MRT) fare hike.

“Parati naman bukas ang tenga ko sa anumang maibibigay nilang solusyon, pakikinggan ko naman sila basta’t makatutulong sa problema kaso kung puro ingay lang na wala naman naitutulong, puro reklamo at wala namang solusyon na inihahain, talagang masasabi kong nagpapa-cute lang sila at nagpapapansin,” pahayag ng Pangulo sa mga kritiko ng LRT-MRT fare hike.

Ilang militanteng grupo ang naghain ng petisyon sa Korte Suprema para ipatigil ang fare hike habang nagpahayag din nang pagtutol sa isyu ang mga kaalyado ng Pangulo na sina Sens. Chiz Escudero at Grace Poe.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nanindigan ang Pangulo sa kawastuhan ng fare hike dahil kailangang magbayad ng dagdag ang mga pasahero nito para mabawasan ang subsidiya ng pamahalaan sa LRT at MRT upang mailaan sa ibang proyekto sa mga lalawigan na hindi naman nakikinabang sa mass transit system.

“Kapag sunud-sunod na bumigay ‘yan, nagkaroon ng aksidente, aberya, may nasaktan, eh balik na naman sa amin ang kasalanan. At siguro talagang kung nakita ng may problema bakit pipilitin pa nating walang gawin? Pero siyempre ang gandang magpapogi ngayon: “Kontra ako sa increase!” Lahat naman tayo ayaw naman nating tumaas ang bilihin. Pero iyon ang totoo. May kailangang magbayad. So talaga namang makatwiran naman ‘yung ‘ikaw ang nakikinabang baka naman pwedeng dagdagan mo ang bayad mo.’ Sa increase hindi pa rin mapupuno ‘yung P60 ha ng MRT, may subsidy pa ring kailangan,” paliwanag pa ng Pangulo.