Hangad lagi at kasama sa dasal ng bawat Pilipino na ang Bagong Taon ay maging isang bagong pag-asa at bagong pagkakataon; nagsisikap upang kahit paano’y umunlad ang buhay; maging matatag sa pagharap at paglutas sa mga problemang maaaring maranasan sa paglalakbay sa buhay sa buong isang taon. Ngunit biglang nawasak ang magandang pangarap lalo na ng mga commuter sa Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Tansit (LRT) sapagkat ang naging pasalubong ng Department of Transportation and Communications (DOTC) ay ang dagdag-pasahe.
Ang pagtataas ng pasahe ay ginawa pa ni DOTC Secretary Emilio Abaya
sa panahon ng Pasko na lahat ay nasa bakasyon. Naging parang malakas na sampal sa lahat ng mga commuter. Halos iisa ang kanilang naging reaksiyon sa dagdag-pasahe sa MRT at LRT: Matinding pahirap sa Bagong Taon na kanilang papasanin.
Sinalubong naman ng kilos-protesta ang dagdag-pasahe sa MRT at LRT ng mga militanteng grupo sa harap ng station ng MRT. Matinding binatikos ang DOTC lalo na si Secretary Abaya.na abusado sa katungkulan. Palpak at napakasama ng serbisyo ng rail system na ang mga commuter ng MRT ay biktima ng mahabang pila, madalas na pagtirik ng tren at naglalakad sa tabi ng riles ay napakapal naman ng mukha na ang pumasok sa kukote ng DOTC secretary ay ang dagdag-pasahe na pahirap sa mga commuter. May mga grupo rin ng nagkilos-protesta na nahiga sa harap ng Korte Suprema upang ipatigil ang fare increase.
Dalawang petisyon na humihiling sa pagpapalabas ng temporary restraining order (TRO) ang inihain sa Korte Suprema para ipatigil ang taas-pasahe sa MRT at LRT. Ang una ay iniharap ng Bagong Alansang Makabayan (Bayan) kasama nila ang National Union of People’s Lawyers at iba pang organisasyon. Ang ikalawang petisyon ay iniharap naman nina Bayan Muna Congressman Neri Colmenares at Carlos Isagani Zarate at mga commuter ng MRT at LRT. Iisa ang kahiligan ng dalawang grupo a Korte Suprema Magpalabas agad ng TRO para mapigilan ang papapatupad sa taas-paahe. Nagharap din ng petisyon ang grupo ng United Filipino Consumers and Commmuters (UFCC). Nais nilang ideklara na labag sa Konstitusyon ang kautusan na dagdag-pasahe. Walang ginawang public consultation.