Isasagawa bukas ng Philippine Sports Commission (PSC) ang pagpapalaganap ng modernong kaalaman sa Sports Science Seminar Series 6–7 kung saan ay inaasahan na ang pagdalo ni Olympic Council of Asia (OCA) Director General Husain Al Musallam sa Multi Purpose Arena, Philsports Complex, Pasig City.

Ipapaliwanag sa seminar ang “Advance Functional Movement and the Science of Training Females” ni International Resource Speakers Dr. Scott Lynn at ang “Biomechanics and Strength and Conditioning Expert,” na ituturo naman ni Terence Rowles, Sports Coaching Consultant.

Hangad sa seminar na maipagpatuloy ang unang matagumpay na Sports Science Seminar Series 1-5 upang maituro ang pinakabagong kaalaman at pagtuklas ng pagbabago sa sports development na target makapagbigay ng benepisyo at bentahe sa pagsasanay sa iba’t ibang sports stakeholders na tulad ng national athletes, teachers, trainers at sports coordinators.

Pagtutuunan sa seminar ang kahalagahang magkaroon ng magandang kondisyon ang mga atleta, lalo na ngayon na naghahanda ang Pilipinas para sa SEA Games sa Singapore sa Hunyo 5 hanggang 16.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Unang isinagawa ang implementasyon ng programa ni PSC chairman Ricardo Garcia noong 2013 kung saan ay ipinamahagi ng mga dayuhang speaker ang makabagong pamamamaraan ng pagsasanay na gamit ang science sa kalalakihan at kababaihang atleta.

Ikalawang pagkakataon na ito ni Rowles sa bansa habang unang pagbisita naman ito ni Lynn na nagsagawa na agad ng fitness test upang makabuo ng training program para sa mga piling atleta na kabilang sa isang national sports associations (NSA’s) para mapagtuunan ang pagsabak sa mga internasyonal na torneo.

Matapos ang apat na araw na fitness tests ng mga atleta, sasalang naman ang national coaches sa tatlong araw na seminar-workshop kay Lynn at Rowles upang ihanda ang mga atleta sa pagsabak sa SEA Games.

Hangad ng programa na maiangat ang pagsasanay at paghahanda ng pambansang atleta sa natitirang limang buwan bago sumabak sa aktuwal na kompetisyon sa Singapore kung saan nakatuon ang delegasyon na matabunan ang nakahihiyang kampanya sa 2013 Myanmar Games at maging noong 2014 Asian Games sa Incheon, Korea.

Matatandaan na nalasap ng Pilipinas ang masaklap na ikapitong puwestong pagtatapos na siyang pinakamababang naabot sa SEA Games sa pagkolekta lamang ng 29 ginto, 34 pilak at 37 tanso.

Isang ginto lamang ang naiuwi ng bansa na mula kay Fil-Am BMX rider na si Daniel Caluag na nagsalba sa masaklap na kampanya ng bansa sa kada apat na taong Asian Games. Mayroon ding naiuwing tatlong pilak at 11 tanso ang bansa.