HALOS edad anim lang nang unang mapanood si Nash Aguas sa Goin’ Bulilit. Magsasampung taon siyang sa pambatang programa ng Dos, at bago siya nabigyan ng big break sa seryeng Bagito with Alexa Ilacad at Ella Cruz na patuloy na humahataw sa ratings game.
Sa kanilang presscon last Friday lang namin nalaman na naiinggit pala ang 16 years old na bagets aktor noon kay Zaijan Jaranilla na laging nagbibida sa mga seryeng pambata samantalang nakapako na lamang siya sa Goin’ Bulilit hanggang sa na-elevate as one-of-those-bagets sa Luv U.
Aminado siyang insecure sa noon kay Zaijan? “Siyempre naman po, kasi, honestly noong una, parang nagtataka ako bakit hindi ako nabibigyan ng teleserye, eh, ginagalingan ko naman. Sabi ko, siguro may plans si Lord sa akin. Kasi kung nabigyan ako noon, baka wala itong Bagito ngayon. As in perfect timing naman itong Bagito para sa akin,” dahil dumating sa panahong growing na rin siya.
Hindi alam ni Nash na habang nasa Luv U siya ay napansin ng management na may ibubuga pala siya sa akting. Kaya nang mangailangan ang Dreamscape ng isang bagitong babagay sa proyektong bukambibig sa buong kapuluan ngayon, si Nash na ang hinirang na perfect choice for the role.
Worth waiting para kay Nash ang Bagito.
“Masaya po. Kung alam lang nila (production team) na talagang pinaghandaan ko itong Bagito,” at idinugtong na hindi siya nagpapabaya at hindi tinutulugan ang bawat ipagawa sa kanya ng magkatuwang na direktor nilang sina Onat Diaz at Jojo Saguin na nagsabi namang, “perfectionist” siya at matamang pinagaaralan ang kanyang mga eksena sa Bagito bago gumiling ang kamera.
“Totoo po, kasi hindi ako nasa-satisfy hangga’t ‘di nag-i-improve (sa rehearsals) bago mag-take. At sobrang natutuwa po ako dahil naa-appreciate ng mga tao at nari-recognize ng mga direktor, kaya’t sobrang thankful dahil sobrang blessed ako at thank you kay Lord,” masayang pahayag ng bagets.
Sa season two ng Bagito, marami pa raw pasabog na dapat abangan ng lalo pang dumaraming viewers nila.