FROM A DISTANCE ● Nararamdaman na ang galak at pananabik sa pagdating ng pinakamataas na pinuno ng Simbahang Katoliko, si Pope Francis. Nitong umaga, sa aking pagpasok sa opisina, makikita na ang naglalakihang streamer at tarpaulin sa may Roxas Boulevard. Tanaw din ang gahiganteng baloon na lulutang-lutang doon na may larawan ni Pope Francis. Sa mga tanawing ito, magugunita rin ang pagbisita noon ni Pope John Paul II, na isa nang santo ngayon. Kaya may kaunti rin akong pananabik na naramdaman, kahit hindi naman ako siyento por siyentong practicing Catholic. Tiyak na dadagsain ng mga mananampalataya, na ang karamihan ay Katoliko ang motorcade ng Papa pagdating niya sa Maynila.

May ilang over-acting na mananampalataya na lalabagin ang nakalatag na seguridad, bubuwalin ang mga barikada, tatabigin ang mga pulis at militar, magiging pasaway sa layuning makita nang malapitan ang pinakamamahal na Pope Francis. At kapag sinawata sila ng mga pulis at militar, may akmang lalaban pa. Isa ang pagbuhos ng matitigas na ulo ng ilan nating kababayan sa mga lansangang daraanan ng motorcade ang masasaksihan ng Papa. Mauunawaan naman marahil niya na kung bakit tila nawala ang disiplina ng pinakamasayahing tao sa Asia. Siya rin naman ay kilalang lumalabag sa sarili niyang security protocol. Gayunpaman, makikigalak na lamang ako, at tatanawin si Pope Francis from a distance.

***

DISIPLINA ● Dahil nga sa pangamba na dumagsa ang mga pasaway sa araw ng pagbisita ni Pope Francis dahil sa bugso ng damdamin, umapela si Pangulong Noynoy sa taumbayan. Siyempre, bilang “ama” ng ating bansa, ayaw niyang ipakita sa ating panauhin ang kagaspangan ng pag-uugali ng kanyang mga “anak”. Sa kabila nito, tiniyak ng Pangulo na nakahanda na ang gobyerno sa maaaring worst scenario habang nasa Pilipinas si Pope Francis. Seguridad laban sa mga terorista ang tinutukoy niya. Sapagkat milyun-milyon katao ang dadalo sa misa na ipagdiriwang ni Pope Francis, kabilang sa plano ang pag-iwas sa stampede sakaling may kagulutang ihasik ang masasamang loob. Sinimulan nang makipagpulong ang Pangulo sa mga ahensya at lider ng Simbahan na nakatutok sa Papal visit para personal na malaman ang paghahandang inilatag ng bansa. Isa sa napagkasunduan ay ang pagbabawal sa pagdadala ng anumang uri ng bag sa misa na idaraos sa Rizal Park. Simpleng instruction lamang ang hindi pagdadala ng bag sa naturang misa. Malalaman natin kung may tatalima sa utos.
National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands