Ito ang Linggo bago ang pagdating ni Pope Francis. Apat na araw mula ngayon, sa Huwebes, darating siya sa Villamor Air Base dakong 5:45 ng hapon mula Sri Lanka, ang una niyang pagtigil sa kanyang pagbisita sa Asia. Bukod sa opisyal na pagsalubong sa paliparan na angkop sa kanya bilang head of state, walang opisyal na schedule sa unang araw na ito. Ngunit una niyang makakasalamuha ang mga mamamayan na nakalinya sa kanyang daraanan mula Villamor hanggang sa Nunciature sa Malate, Manila.

Bawat bahagi ng kanyang limang araw na schedule sa Pilipinas ay planado na. Opisyal siyang tatanggpin sa bansa ni Pangulong Aquino kasama ang iba pang opisyal at mga miyembro ng Diplomatic Corp sa mga seremonya sa Malacañang sa 9:15 ng umaga, sa Biyernes. Susundan ito ng misa kasama ang mga obispo at iba pang religious officials sa Manila Cathedral at, kalaunan sa hapon, isang pagpupulong sa mga pamilya sa Mall of Asia.

Nakalaan naman ang Sabado para sa mga biktima ng super-typhooon Yolanda sa Visayas sa isang misa na malapit sa Tacloban Airport dakong 10:00 ng umaga, at isang pagpupulong sa mga pari at iba pang religious workers. Magbabalik naman sa Manila ang Papa sa Linggo nang umaga para kapulungin ang religious leaders ng bansa sa University of Santo Tomas na susundan ng isang pulong kasama ang kabataan sa sports field. At dakong huli, magdaraos ng misa sa Rizal Park ng 3:30 ng hapon na inaasahang dadagsain ng milyun-milyong mananampalataya. Magbabalik siya sa Rome ng 9:45 ng Lunes ng umaga.

Isang seryosong alalahanin para sa ating mga opisyal ang seguridad ng Papa sa limang araw niyang pananatili sa bansa. Ang pulisya, pati na rin ang militar, kapwa nasyonal at lokal, ay naglatag na ng mga plano upang matiyak ang kanyang kaligtasan. Ngunit kilala si Pope Francis sa paglabag sa pinakamainam na planong pang-seguridad at lantarang nakikihalubilo sa madla sa St. Peter’s Square sa Vatican, nakikipagkamayan, hinahagkan ang mga sanggol, at binabasbasan ang lahat ng makita niya.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Maaaring ipahinto niya ang kanyang Popemobile sa tuwing gagamitin niya ito sa Metro Manila at sa Leyte upang makadaupang-palad ang madla sa kanyang daraanan; o malamang na talunin ng mga tao ang lahat ng harang at itabig ang security people na kumukurdon sa kanila at dumugin ang motorcade sa masayang pagpapahayag ng kanilang pananampalataya at pag-ibig. Nangyari na ito noon – ang pagsira ng mga harang – sa mga prusisyon ng Itim na Nazareno sa Maynila.

Ngunit, gaya ng sinasabi ni Pope Francis mismo, na ang lahat ay nasa kamay ng Diyos. Makakapiling natin siya ngayong linggo, ang peacemaker na ito, ang tao na may mabuting kalooban, ang kinatawan ng Diyos. Ang buong bansa – hindi lamang ang kanyang mga kapanalig – ay tatanggapin siya at makikibahagi sa biyaya na ihahatid ng kanyang pagbisita ng Awa at Pagmamalasakit para sa ating lahat.