Bumawi ang University of Santo Tomas (UST) sa kabiguang nalasap sa Adamson nang kanilang walisin ang De La Salle University, 25-15, 25-14, 25-12, kahapon at masolo ang ikatlong puwesto sa pagpapatuloy ng UAAP Season 77 volleyball tournament sa MOA Arena sa Pasay City.

Muling nanguna para sa nasabing tagumpay ng Tigers ang isa sa namumunong kandidato para sa MVP race na si Mark Gil Alfafara na nagposte ng 20 puntos, kabilang dito ang 19 hits habang nag-ambag naman sina Romnick Rico at Kevin dela Cruz ng tig-10 puntos.

Dahil sa panalo, kumalas ang Tigers mula sa pagkakabuhol nila ng nakaraang taong losing finalist na Ateneo Blue Eagles sa ikatlong posisyon makaraang umangat sa barahang 5-2 habang ibanaba naman nila ang La Salle sa ikaanim na pagkatalo sa loob ng pitong laro.

Dinominahan ng Tigers ang laro na tinapos lamang sa loob ng 55 minuto matapos pulbusin ng spikes ang Green Spikers, 46-18, bukod pa sa 6-0 service aces at 6-4 blocks.

National

3 weather systems, patuloy na nakaaapekto sa PH – PAGASA

Tanging sa reception lamang nakalamang ang tropa ni coach Ronald Dulay sa koponan ni coach Odjie Mamon sa kanilang itinalang 22 kumpara sa 16 lamang ng Tigers.

Wala namang nakaiskor ng double figure para sa Green Spikers na pinangunahan ni Bernard Dumago na umiskor ng 6 na puntos.