Sinamahan ko ang aking dalaga na si Lorraine sa pagbili ng bagong bestida na pang-opisina. Sa kakarampot niyang savings, kailangang rasonable ang presyo ng damit ng kanyang bibilhin. Pagdating namin sa dress shop sa loob ng isang mall, napakaraming bestida roon na pagpipilian ngunit sa presyong halos ikaluwa ng aming mga mata. Gayong wala naman kaming magawa, dahil na rin sa pangangailangan, inabot kami ng halos isang oras sa loob ng naturang dress shop sa pagpili lang ng damit na aangkop sa kanyang panlasa at perang dala.

Habang maginhawa na kaming namamasyal na mag-ina sa mall, napag-isip-isip ko na maihahalintulad ang pagpili ng nararapat na damit sa pagpapasya ng tao.

Nang malapit nang mamatay si Josue, ayon sa Mabuting Aklat, tinipon niya ang mga anak ng Israel at umapela siya – isang apela na umalingawngaw sa loob ng maraming siglo na nagpaantig ng maraming puso. Sinabi ni Joshua: “Sa araw na ito, piliin ninyo kung sino ang inyong paglilingkuran.”

Ang paghamong ito, sa pananaw ng Bagong Tipan, ay nagpapahayag ng tatlong natatanging aral hinggil sa ating kaligtasan. Una, kailangan nating magpasya kung sino ang ating pipiliin, ang Diyos o ang diyablo. Kung tatanggihan natin si Jesus, para na ring pinili natin ang diyablo. Ani nga Jesus, “Ang hindi sumasaakin, laban sa akin.”

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Pangalawa, personal ang pagpapasya. Ani Josue, “Pumili kayo kung sino ang inyong paglilingkuran.” Sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesus, hindi tayo maaaring isilang na muli at maging anak ng Diyos. Kailangang manampalataya muna tayo.

Pangatlo, nasa mensahe ang agarang pangangailangan. “Sa araw na ito, piliin ninyo kung sino ang inyong paglilingkuran,” meaning, hindi bukas, hindi sa susunod na linggo, hindi sa susunod na buwan, hindi next year, kundi ngayon na.

Nakapagpasya ka na ba kung sino ang iyong paglilingkuran? Kung hindi pa, tandaan: ikaw lang ang makapagpapasya niyon para sa iyo. Gawin mo na. Ngayon na.