KUNG si dating Health Secretary Enrique Ona ang tatanungin, wala sa listahan ng mga gusto niyang humalili sa kanya si Undersecretary Janette Garin.

Sa pagtatanong ni Prof. Solita Monsod, sinabi ni Ona na kung hihingan siya ng rekomendasyon, ang maaring pumalit sa kanya ay sinuman kina dating Health Usec. Susan Pineda-Mercado na ngayon ay opisyal ng World Health Organization; dating Health Usec. Jaime Galvez Tan; at dating UP Manila Vice Chancellor for Research ng National Institute of Health, Prof. Vicente Belizario, Jr.

Ayon kay Ona, sinabihan siya ni Pangulong Noynoy Aquino noong Oktubre na huwag na munang pumasok sa DOH habang sinisiyasat kung may iregularidad sa pagbili ng ahensiya ng mga bakuna laban sa pneumonia. Nitong Enero aniya ay lumabas ang resulta ng pagsisiyasat ng National Bureau of Investigation sa isyu, at walang nakitang katiwalian sa naturang usapin.

Ikinasama raw ng loob ng kanyang pamilya ang pagkakaalis niya sa puwesto nang hindi man lang kinakausap ni Pangulong Aquino, sa kabila ng kanyang halos apat na taong serbisyo sa DOH. Maaaring ang hindi raw niya pagpapaliwanag sa pangulo ng kanyang mga programang isinusulong ang isa sa mga dahilan kung bakit siya naalis sa puwesto.

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

Itinanggi rin ni Ona na may kinalaman siya sa pag-alis sa posisyon nina Assistant Health Secretary Dr. Eric Tayag at Undersecretary Teodoro Herbosa. Inalis si Tayag bilang tagapagsalita ng DOH, at si Herbosa bilang DOH Regional Director for National Capital Region.

Mag-isang desisyon daw ni Usec. Garin ang pag-alis sa puwesto ng mga opisyal ng DOH, sa kabila ng mga pahayag ni Garin na ito ay utos ng noo’y on-leave na si Sec. Ona. “She did it on her own,” ayon kay Ona.

Ikinalungkot ni Ona ang sinasabing malawak ang katiwalian sa DOH. Ang ahensiya aniya ang isa sa mga itinuturing na “least corrupt” sa gobyerno. Katunayan, sa ilalim daw ng kanyang termino noong 2013 ay nakakuha ito ng ISO certification dahil sa husay ng proseso nito.

Noong 2010, ang budget ng DOH ay umabot lamang sa P25 billion. Noong 2014, ito ay umakyat na sa P83 billion. Ngayong 2015, ito ay nasa P103 billion.

Ang malaking pondo ng DOH kaya ang dahilan ng pagtaas ng interes sa puwesto sa ahensiya? Alamin ang mga kasagutan sa panayam ni Prof. Monsod sa Bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie sa Lunes, 10:15 ng gabi, sa GMA News TV Channel 11.