Bagamat matagumpay nilang naitabla ang serye kontra sa Alaska sa Game Two, sa pamamagitan ng 100-86 panalo, hindi komportable ang higanteng slotman ng San Miguel Beer na si Junemar Fajardo sa mga naganap na sakitan sa laro.
Sa kabila ng pagdiriwang sa kanilang naging tagumpay, malungkot din ang Cebuano center dahil sa nangyaring pisikal sa laro at ‘di sinasadyang nasaktan din niya ang kababayan at iniidolong si Dondon Hontiveros.
“Nagi-guilty nga ako sa nangyari. Hindi ko naman talaga gawain ang manakit,” ani Fajardo.
“Kasi fino-front nila ako, siyempre itutulak ko sila para makakuha ako ng space,” paliwanag nito na aminadong hindi niya intensiyong saktan si Hontiveros sa ginawa niyang pagbalya dito para hawiin habang nakatalikod siya at pumuporma para makakuha ng maganda anggulo sa basket.
Hiling din ni Fajardo na mabawasan na sana ang pisikal na laro sa mga susunod na yugto na batid din naman niyang hindi maiiwasan dahil sa taas ng level ng laro sa finals.
“Sana next game ganoon (panalo) pa rin, pero less physical na,” pahayag ni Fajardo. “Ang gulo kanina eh, parang nasa riot, parang hindi na basketball eh. Pero wala tayong magawa eh. Ganoon talaga ang Finals, walang madali.”
Gayunman, kahit lantaran niyang inaayawan ang pisikal na laban, sinabi naman ng Beermen center na hindi siya uurong sa laban at hindi basta na lamang susuko.
“Basta kami, hindi kami magpapatalo eh. Pero sana hindi na umabot sa nag-susuntukan na o may ma-injury,” pahabol pa nito.