Umapela sa gobyerno ang technical working group, na inatasang solusyunan ang problema sa pagsisiksikan ng mga kargamento sa Maynila, na magbukas ng alternatibong ruta para sa mga cargo truck kaugnay ng pagsasara ng ilang pangunahing lansangan sa pagbisita ni Pope Francis sa Enero 15-19, 2015.

Sinabi ni Ernesto Ordoñez, ng Private Sector Technical Working Group on Port Congestion, na maaaring bumalik ang problema sa pagsisiksikan ng kargamento sa Port of Manila kapag muling ipinatupad ang truck ban sa pagbisita ng Papa sa bansa kung hindi magbubukas ng alternatibong ruta.

Iginiit ni George Fermin, ng Alliance of Concerned Truck Owners and Organizations, na hindi dapat ipatupad nang 24-oras ang truck ban sa limang araw na pagbisita ni Pope Francis.

Una nang inihayag ng mga pamahalaang lungsod ng Maynila at Pasay ang pagsasara ng ilang pangunahing lansangan sa inaasahang pagdagsa ng mga deboto na nais masilayan ang lider ng Simbahang Katoliko.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ilang kalsada ang isasara sa mga motorista tatlong oras bago dumaan ang entourage ni Pope Francis.

Kasabay nito, nanawagan din ang Technical Working Group sa mga importer at cargo holder na ilipat nang mas maaga ang kanilang kargamento upang makaiwas sa pagsisiksikan ng cargo sa mga susunod na araw.