Laro ngayon: (Smart Araneta Coliseum)
5 p.m. Alaska vs. San Miguel Beer
Mas pisikal na laban, matapos ang naging mainitang laro sa Game 2 sa ginaganap na best-of-seven finals series sa pagitan ng Alaska at San Miguel Beer, ang tiyak na matutunghayan ngayon sa muling pagtatagpo nila sa Game 3 ng PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Sa umpisa pa lamang ng nasabing laro na nagtapos sa 100-86 iskor, naikasa ng Beermen upang itabla ang serye sa 1-1, nagtamo ng sugat sa ibabaw ng noo si SMB forward Arwind Santos makarang bagsakan ng kanang siko ni Calvin Abueva, may 6:06 pang nalalabi sa third period.
“I think after a couple of hits here and there, we lost our focus a little bit. We’ve got to be smarter at that next time,” pahayag ni Alaska coach Alex Compton.
Bukod dito, natawagan din ng flagrant foul si Vic Manuel nang halos sakalin na nito ang rookie na si David Semerad na pinaniniwalaang siyang naging “turning point” ng laban kung saan nagsimulang kumalas ang Beermen.
“Tingin ko ang naging turning point doon ay nang matawagan ng flagrant foul si Manuel,” pahayag naman ni San Miguel coach Leo Austria.
“Everybody wants to win kaya nagiging physical ang laro, but this time we prevailed and I’m happy for the players because they never give-up,” dagdag pa nito na binigyan ng kredito ang lideratong ipinakita ni Santos sa loob ng korte na siya umanong nagdikta sa tempo ng laro nang makipagsabayan ang huli sa kapwa Pampangueno na si Abueva sa mataas na intensity at enerhiya.
“Arwind is very important for us because he dictated the tempo of the game for us. Talagang hinarap niya si Abueva and that’s the big factor,” ayon pa kay Austria.
Pinagsisihan naman ni Manuel ang kanyang ginawa at umaming nadala lamang siya sa tindi ng pisikal na nangyari sa loob ng court.
“Parang na-frustrate ako. Kaya nga nag-sorry ako kay coach sabi ko babawi na lang ako next game,” pahayag ni Manuel.
“Focus lang kami sa game, iyon lagi ang sinasabi sa amin ni coach. Kaso nawawala talaga kami e. Naout of focus kami at naging physical na sa first quarter pa lang,” dagdag pa nito.
Samantala, maliban kay Santos, nakita rin ang ginawang pagbawi ni Chris Ross sa kanyang malamyang laro sa Game One nang mag-step-up ito habang medyo off ang kakamping sina Alex Cabagnot at Chris Lutz.
Bunga ng mga pangyayari, inaasahang mas magiging matinding bakbakan, banggaan at bantayan ang magaganap ngayong hapon sa pagtatangka ng dalawang koponan na muling makaangat matapos silang magtabla sa 1-1.
Ngunit naniniwala si coach Austria na bahagi lamang ng laro ang lahat at makatutulong din ito upang mas lalong abangan ng basketball fans ang nagaganap na finals.