Jimmy Alapag

Kasunod sa kanyang pagreretiro sa national men`s basketball team matapos ang dalawang sunod na international stints kasama ang Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup at Asian Games, ganap nang nagdesisyon si Jimmy Alapag na huminto na sa paglalaro para sa Talk `N Text sa Philippine Basketball Association (PBA).

Kasama si PBA chairman at Talk `N Text board representative Patrick Gregorio at ang kanyang mga magulang, pormal na inanunsiyo ni Alapag ang kanyang pagreretiro noong Biyernes ng gabi bago magsimula ang Game Two sa finals series ng San Miguel Beer at Alaska sa Smart Araneta Coliseum.

``Jimmy Alapag has decided to hang his jersey,`` pahayag ni Gregorio. ``He decided to retire and will assume as team manager of Talk `N Text and assistant coach to Gilas.``

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kapwa pa humingi ng paumanhin sina Alapag at Gregorio dahil wala naman aniya silang intensiyon na sumapaw at mang-agaw ng eksena sa dalawang finals protagonists ng PBA Philippine Cup.

Ayon kay Alapag, pagkatapos ng kanyang retirement sa national team, pakiramdam niya ay ito na rin ang tamang panahon upang tapusin na niya ang 12 taong paglalaro bilang isang professional basketball player.

``For me the time is now. And I want to thank Sir MVP, and the Talk `N Text management for this rare opportunity to have the transition from player to team manager and assistant coach to Gilas so I can continue to be in touch with the game,`` pahayag ni Alapag.

``I`m very excited with the opportunity and the challenge that lies ahead,`` dagdag pa nito.

Sinabi rin ni Alapag na kontento na siya at maipagmamalaki na rin niya ang lahat ng kanyang mga naabot magmula nang dumating siya sa bansa at naglaro sa PBA noong 2002.

``From 2002 after getting the call from coach Ron Jacobs not just to join the draft but to tryout for the national team, I can say that I`m proud of what I`ve achieved and what I did with Talk `N Text and Gilas,`` ayon pa kay Alapag.

Sa Agosto pa nakatakdang mapaso ang kontrata ni Alapag bilang player kung kaaya`t pag-uusapan pa nila ng management ang tungkol dito.

Sa ngayon, bilang panimula sa kanyang bagong katungkulan, sisimulan niyang pag-aralan ang lahat ng tungkol sa kanyang trabaho bilang team manager ng Tropang Texters na aniya`y magsisilbing panibagong hamon para sa kanya sa mga susunod na araw.

Tungkol naman sa pagiging assistant coach kay Tab Baldwin para sa Gilas, panibagong `learning process` din umano ito para sa kanya dahil bago rin sa kanya ang pagiging isang coach.

``My focus right now is helping Talk `N Text to be as successful as possible and helping Gilas to qualify in the Olympics,`` pagtatapos pa nito.

Samantala, ayon pa kay Gregorio, nakatakda rin nilang iretiro ang numero ni Alapag na No. 3 sa susunod na conference at nakikipag-ugnayan na sila sa PBA para sa mga kaukulang detalye.