Gagamitin bilang aktuwal na pagsasanay ng Philippine Cycling Team ang paghahanda sa 28th Southeast Asian Games sa Singapore sa nalalapit na pagpadyak ng Le Tour de Filipinas, Asian Cycling Championships, at ang itinakdang paglahok sa isang training camp sa Europa.

Sinabi ni national coach Chris Allison na magiging abala ang national riders sa susunod na buwan sa paglahok nila sa dalawang malaking internasyonal na karera na magsisilbing paghahanda para sa hinahangad na makamit na mas maraming gintong medalya.

“The next few weeks will be very busy for our national riders,” sinabi ni Allison, dating siklista na nakuwalipika sa iba’t ibang karera sa Europa at ilang beses din nakasali sa eliminasyon para sa Tour de France.

Matapos ang Le Tour de Filipinas na gaganapin sa Pebrero 1 hanggang 4, agad na sasabak ang national riders sa Asian Cycling Championships na gaganapin sa Pebrero 10-14 sa Bangkok, Thailand.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Limang riders, sa pangunguna ni Myanmar SEA Games individual time trial gold medalist Mark Lexer Galedo at bronze medalist Ronald Oranza ang masasaksihan sa Le Tour habang walo naman ang sisikad sa ACC.

Ang 11-kataong national team ay binubuo nina Ronald Lomotos, Junrey Navarra, Rustom Lim, Rudy Roque, George Oconer, John Camingao, Jerry Aquino at Mark Bordeous.

Una nang pinayagan ni Allison na makasama sina Galedo at Oranza, kasama ang dalawa pa, na magsanay sa kanilang mother team na 7-11 at Philippine Navy Standard Insurance habang isinasailalim sa monitoring ng power testing.

Gayunman, ang dalawa ay agad na isasama sa buong koponan sa ikatlong linggo ng Enero sa isasagawang high altitude training sa Benguet at upang ilatag ang istratehikong plano sa lalahukang malalaking karera.

Kung magkakasya sa nakalaang pondo, asam ni Allison na lumahok sa isang training camp sa Europa sa Abril, partikular sa Belgium at Netherlands kung saan ay isinasagawa ang ilang araw lamang na circuit races na siyang gagawin sa Singapore Sea Games sa Hunyo 5 hanggang 16.

Isa pang opsiyon ni Allison ay isali ang koponan sa isang araw na karera sa Asia.