ANG mister ng aking amigang papangalanan nating “Consuelo” ay nagkamal ng malaking salapi dahil sa negosyo nitong RTW (Ready-to-Wear). Nagsu-supply ito ng mga paninda sa mga establisimiyento sa matataong lugar sa Pasay at Manila. Napakasipag ng mister ni Consuelo; halos gawing araw ang gabi sa pagparoo’t parito sa kanyang mga supplier at mga taga-benta. Ngunit sadyang hindi mapagpatawad ang tadhana; namatay ang mister ni Consuelo; inatake sa puso dahil sa labis na pagkasugapa sa mamantikang pagkain, paninigarilyo at pag-inom ng alak. Kaya naiwan kay Consuelo ang napakalaking salapi na sapat na upang siya ay mabuhay at ang takot na isang araw, siya naman ang atakihin sa puso at mamatay.

Kaya ganoon na lamang ang pag-iingat ni Consuelo sa kanyang kalusugan. Dumalo siya sa mga seminar tungkol sa pagpapahaba ng buhay sa pamamagitan ng fruit diet – mga sari-saring prutas na ihuhulog sa blender saka iinumin. Isang basong fruit shake sa umaga, isa uli sa tanghali, isa pa bago matulog. Iwinaksi niya ang paninigarilyo at pag-inom ng alak. Araw-araw rin siyang laman ng gym at doon nagpapapawis. Maaga siyang matulog, maaga rin siyang gumising. Umiiwas siya sa mamantikang mga ulam, gulay lang ang kanyang nilalantakan – yaon pang walang lasa sapagkat pinakuluan lang. Nalulustay ang kanyang pera sa mga espesyalista na kanyang kinukonsulta at mga aparato na kanyang pinagbibili. Nang kumustahin ko siya, tinanong ko kung masiya siya sa kanyang ginagawa. Umiling na lamang siya at nangilid ang kanyang mga luha. Ang lahat ng ginagawa niya, bunga ng malaking takot sa kamatayan. Isa lamang si Consuelo sa milyun-milyon kataong nakagapos sa pangamba ng kamatayan.

Sapagkat si Jesus ang ating halimbawa ng muling pagkabuhay, ang ating pagkatakot sa kamatayan ay maaaring mapalitan ng pag-asa. Mangyayari lamang iyon kung lubos ang ating pananampalataya sa Kanya bilang ating Tagapagligtas. Iyan ang pinakamainam na paraan upang magkaroon tayo ng kumpiyansa na tahakin ang landas patungo sa ating katapusan.

Tayong lahat ay pupunta rin sa lugar na ayaw nating puntahan. Kaya kapag panahon mo nang magpaalam sa mundo, tiyakin mong iyon lang ang gagawin mo.
Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race