Ikinatuwa ni Olympic Council of Asia (OCA) Director General Husain Al Musallam ang isinagawang implementasyon ng Philippine Olympic Committee (POC) at Philippine Sports Commission (PSC) sa puspusang paghahanda at pagsasailalim ng pambansang atleta sa makabagong fitness program bago sumabak sa internasyonal na mga torneo.

Sinabi ni PSC Chairman Richie Garcia na kasalukuyang nasa bansa si Musallam bilang opisyal na pagbisita nito at obserbasyon sa kasalukuyang ipinapatupad na mga programa ng ahensiya para sa pagsasanay ng pambansang atleta at pagpapaunlad sa kakayanan ng national coaches.

“He (Musallam) wanted to see our ongoing effort to develop our coaches as well as our national athletes. He likes the idea of putting Sports Science in our training and athlete development program,” sinabi ni Garcia.

Personal na nakita ni Musallam ang pagsasagawa ng fitness test sa 35 atleta ng Dragon Boat at Canoe Kayak na unang sumabak sa isang linggong pagsusulit para makabuo at mabigyan ng kanilang partikular na pagsasanay at paghahanda.

'Walang matitira, ubos sila!' Netizens napa-react na i-firing squad mga korap

“We have chose athletes from three NSA’s every day that will undergo fitness test up to January 10. They will undergo a series of testing for our experts to determine what kind and which training and exercises they have to undergo for their further development,” pahayag ni Garcia.

Ang pagsusuri at kondisyon ng pambansang atleta ay pinangasiwaan ng banyagang sports science experts na sina Terry Rowles at Dr. Scott Lynn sa Brent Gym sa Philsports Arena.

Sina Rowles at Lynn ay nasa bansa upang pamunuan ang Sports Science Seminar 6 at 7 na gaganapin naman sa Lunes hanggang Miyerkules sa Philsports Multi-Purpose Arena.

Pagbabasehan ng dalawang eksperto ang resulta ng pagsusuri upang buuin ang irerekomendang training program para sa National Sports Associations (NSAs).