MABUTI na lamang abala ang bansa at ang mga lider nito sa paghahanda sa pagbisita ni Pope Francis Enero 15-19. Kung hindi, malamang na nakaharap tayo ngayon sa mga imbestigasyon sa Kongreso na sumaklaw sa atensiyon ng publiko halos kabuuan ng nakaraang taon.

Ang Senate Blue Ribbon Committee exposé sa pork barrel – kung paano nailihis ang milyun-milyong piso sa General Appropriations Act sa mga pekeng non-government organization na napunta sa mga pribadong bulsa - ang gumulantang sa bansa. Isa itong lantarang maling paggamit ng isang tanggap na sistema na tinatawag ngayong Priority Development Assistance Fund (PDAF) – at kumilos ang Supreme Court kalaunan at idineklara itong unconstitutional.

Sinundan ito ng iba pang mga exposé. Puwersadong itinigil ng administrasyon ang spending program nito nang walang pahintulot ng Kongreso - ang Disbursement Acceleration Program (DAP) – nang hatulan ito ng Supreme Court na unconstitutional din.

Tumangging magsagawa ng follow up ang Senate Blue Ribbon sa initial findings nito sa PDAF, kontento na sa pagsasampa ng kaukulang kaso sa tatlong senador ng oposisyon. Ngunit may isang sub-committee ang nagpatuloy ng imbestigasyon hinggil umano sa overpricing at iba pang iregularidad na iniuugnay kay Vice President Jejomar Binay noong alkalde pa ito ng Makati City. Pagkatapos ng 11 pagdinig, naglaho na lamang ang imbestigasyon at hindi tiyak ang mga resulta.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Noong nakaraang linggo, inanunsiyo ni Sen. Antonio Trillanes IV na may mga exposé pa siya laban kay Vice President Binay na kanyang ilalahad sa Senado sa Enero 22 pagkatapos ng papal visit. Marahil panahon na upang ihinto ang pira-pirasong exposé na ito at iwan na lamang sa mga hukuman.

Kailangang panatilihin ng mga imbestigador ng Senado at Kongreso na maigsi ang mga pagdinig hanggang sa punto, kung ayaw nilang maakusahang isinasagawa nila iyon in aid, hindi ng legislation, kundi ng eleksiyon. Ginawa ito ni Sen. Grace Poe sa kaso ni Philippine National Police chief Alan Purisima at natamo niya ang respeto at paghanga ng marami.

Marami ngang isyu na kailangang maresolba, ngunit pagkatapos ng inisyal na political salvo, magiging pinakamainam na hayaang angkop na mga ahensiya ng gobyerno at hukuman ang kumilos.