Vice Ganda and PNoy

WALA palang kinalaman si Kris Aquino sa guesting ni Presidente Noynoy Aquino sa Gandang Gabi Vice na ipinalabas noong Linggo.

Naka-tsikahan namin ang executive producer ng GGV na si Leilani Zulueta Gutierrez sa taping ng programa noong Huwebes nang samahan naming manood ang mga tiyahin namin galing ibang bansa.

“Wala naman kinalaman si Kris kaya nagpa-interview si PNoy sa GGV. It was Paul Cabral, siya ang kumausap kay PNoy para mai-guest siya sa GGV. ‘Di ba si Paul ang nagbibihis kay Presidente? So siya ang nakipag-usap. Eh, di ba bestfriend sina Paul at Vice, kaya hayun, napapayag.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

“At si Kris, wala siyang alam, the day itself lang niya nalaman na nasa Malacañang kami. Hindi ko alam kung sino ang tinawagan niya (Kris), si Vice yata at may tinanong at nabanggit nga na papunta kaming Malacañang.

“Kaya nagtanong siya (Kris) kung ano’ng gagawin namin o anong mayroon at ‘yun nga sinabi na rin na iinterbyuhin si PNoy, nagulat siya talaga,” kuwento sa amin ng EP.

Binati namin ang EP ni Vice dahil maganda ng outcome ng programa at halos lahat ng nakapanood ay magaganda ang feedback.

Pero tinanong namin siya kung ano ang masasabi niya sa naglabasang intriga na ka-cheap-an ang guesting ni Presidente Noynoy Aquino sa GGV dahil kung anu-ano lang naman daw ang napag-usapan na hindi naman makakatulong sa mga suliranin ng bansa.

Napangiti ang bossing ng GGV at sabay sabing, “Hayaan mo sila, basta kaming lahat sa show, masaya kasi iilan lang naman ‘yung mga nag-comment ng hindi maganda, the rest puro positive at ‘yun nga maganda ang ratings, so okay na kami ro’n.”

Maging ang ABS-CBN management ay masaya at napuri sila dahil napapayag nga naman ng GGV na mainterbyu nila si PNoy.

“Tuwang-tuwa siyempre, kasi maganda ‘yung outcome, at sulit ang pagod naming lahat kasi as early as 6 AM, nandoon na kami, kailangan naming nang ipasok lahat ng gamit kasi that same day, ‘yun ‘yung pipirmahan ni PNoy ang national budget, so do’n mismo sa pinag-taping-an namin, doon dadaan ang mga pulitiko, so para hindi kami makaistorbo, maaga kaming dumating at nakatago na kami lahat para hindi kami makaistorbo.

“‘Tapos nakunan namin siya (PNoy) mga ala–una ng hapon at sandali lang, 40 minutes lang tapos na kami.

“Nakakatuwa nga kasi ‘yung ‘pinadala naming questionnaire walang binago lahat check at wala silang (staff ng Malacañang) sinabi na ganito o ganyan ang dapat itanong, as is talaga. Ang cool nga ni PNoy kasi lahat ng tanong ni Vice, sinagot niya,” masayang kuwento sa amin.

Nabanggit din ni Ms. Gutierrez na sa rami na ng na-interview ni Vice sa programa ay kinabahan talaga ito kay PNoy.

“Kabado talaga siya, inamin naman niya ‘yun bago nag-start ang show, di ba? Pigil na pigil nga si Vice kasi alam mo naman ‘yun, maraming gustong itanong, pero nag-stick kami sa questionnaire talaga,” pag-amin sa amin.

Bukas, riot na naman ang talakayan nina Vice, K Brosas at Pokwang na kung hindi mai-edit ang mga pinagsasabi nila ay sigurado kaming mapapatawag sila ng MTRCB.

Maging ang estilo nina Matteo Guidicelli at Marlon Stockinger sa pagluluto ng scrambled egg ay nabigyan ng kakaibang kahulugan ni Vice kasi nga medyo bulol magsalita ng Tagalog ang dalawa.