Nina MARY ANN SANTIAGO at BELLA GAMOTEA

Nasa limang milyong deboto ang taya ng Philippine National Red Cross na dumalo sa Traslacion para sa Mahal na Poong Nazareno kahapon, sa kabila ng naranasang bahagyang pag-ulan at iba pang aberya sa prusisyon.

Habang isinusulat ang balitang ito, umabot pa lang sa tapat ng National Museum sa Padre Burgos Street ang Traslacion dakong 2:00 ng hapon, o halos anim na oras makaraang umalis ang Mahal na Poon mula sa Quirino Grandstand, na pinagdausan ng misa na pinangunahan ni Luis Antonio Cardinal Tagle.

Isang deboto ang namatay matapos atakehin sa puso. Nakilala siyang si Renato Gurion, 44, miyembro ng Hijos de Nazarenos.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Naantala ng halos dalawang oras ang pag-alis ng Poon sa Quirino Grandstand matapos maputol ang andas, na humihila sa karo ng imahe, dahil sa pag-aagawan ng mga deboto na mahawakan ito.

Batay sa taya ni Manila Vice Mayor Isko Moreno, umaga pa lang ay umabot na sa isang milyon ang dumating sa Quirino Grandstand para sa simula ng prusisyon.

Iniulat ng Metropolitan Manila Road Development Authority (MMDA) na umabot sa 500 deboto ang nagtungo sa Road Emergency Group First Aid Station dahil sa iba’t ibang karamdaman, tulad ng alta-presyon, pagkahilo, at pagkasugat mula sa natapakang matatalas na bagay ng nakapaang mga deboto.

Ilang deboto rin ang nahimatay sa pagtatangkang makalapit sa imahe, na nagtutulakan at nagbabalyahan ang mga nananampalataya.

Inaasahang aabutin nang mahigit 15 oras ang prusisyon hanggang ngayong Sabado ng umaga, ayon kay Moreno.