SA panibagong paglantad ng isa pang alingasngas laban sa mga opisyal ng gobyerno, lalong tumindi ang hiling ng mga mamamayan kay Presidente Aquino upang balasahin ang kanyang Gabinete. Sa pagkakataong ito, isa pang opisyal ng Department of Agriculture (DA) na pinamumunuan ni Secretary Proceso Alcala ang idinadawit sa malawakang importasyon ng bawang at iba pang produkto.

Hindi na natin bubusisiin ang mga detalye ng naturang anomalya. Itutuon na lamang natin ang ating panawagan hinggil sa Cabinet revamp na matagal na sanang dapat ipinatupad ni Presidente Aquino. Hindi na sana siya nagpatumpik-tumpik pa; hindi na sana “umalingasaw” pa, ang ibinunyag na mga katiwalian at nakadidismayang serbisyo sa iba’t ibang kagawaran ng gobyerno. Sana ay hindi na rin nagpatuloy sa pangungunyapit o pagiging manhid ng kinauukulang mga Cabinet officials na matagal nang pinagbibitiw ng taumbayan. Sana ay hindi na nakulapulan ng katakut-takot na pagtuligsa ang isang administrasyon na sinasabing determinado sa paglipol ng lahat ng uri ng katiwalian. Sana ay hindi napipilitan ang administrasyon sa pagtatanggol sa mga tiwaling lingkod ng bayan at sa pagtatakip ng mga kapalpakan sa kani-kanilang pinaglilingkuran na mga tanggapan.

Sa DA, halimbawa, nakagagalit nga naman ang matinding diksriminasyon sa pagkakaloob ng import permit sa pag-angkat ng mga agricultural products. Sinasabing iilan lamang ang nabibigyan ng pabor sa naturang maanomalyang transaksiyon.

Matindi rin ang mga reklamo sa Department of Transportation and Communications na pinamumunuan naman ni Secretary Emilio Abaya. At sino ang hindi madidismaya sa mga kapalpakan sa pamamahala ng MRT at LRT na nasa pangangasiwa ng DOTC? Bukod pa rito ang iniulat din na mga reklamo laban naman sa LTO at LTFRB na nasa pangangasiwa rin ni Abaya.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Hindi ba maging si DBM Secretary Butch Abad ay matagal na ring pinagbibitiw kaugnay naman ng kasumpa-sumpang PDAF at DAP scam?

Wala na ngang alternatibo kundi balasahin ang Gabinete upang hindi makulapulan ng ibayong kapalpakan ang administrasyon; baka bumaluktot pa ang tuwid na landas na ipinangangalandakan ng Presidente.