Sinabi ng Department of Labor and Employment (DoLE) na nagbigay na ito ng ayuda sa tatlong Pilipinong tripulante ng Korean trawler na lumubog sa West Bering Sea malapit sa Russia, noong nakaraang buwan.

Sa isang pahayag, sinabi ni Labor and Employment Secretary Rosalinda Baldoz na ang mga benepisyaryo ay sina Teddy Parangue, Jr., Rowell Alejera at Micol Sabay.

Kabilang sila sa iilang nakaligtas mula sa 13 Filipino crewman ng Oryong 501, na napalubog ng malalaking alon sa kasagsagan ng bagyo noong Disyembre 1.

Batay sa ulat ni Labor Attaché Felicitas Bay, sinabi ni Baldoz na ang tatlong manlalayag ay binigyan ng 100,000 Korean won bilang tulong pinansiyal, medical tests at panggamot, damit, sapatos, at iba pang pangunahing pangangailangan, nang dalhin sila sa Seoul noong Disyembre 26 bago pinabalik sa bansa.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“They were also paid their contractual claims and benefits, including the unexpired portion of their contracts by Sajo International, the Korean shipowner of Oryong 501,” saad ni Bay sa kanyang ulat kay Baldoz.

Disyembre 30, 2014 nang dumating sila sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Samantala, sinabi ni Baldoz na ang lima pang tripulante na namatay sa Oryong 501, ay inaasahang maibabalik sa bansa ngayong linggo.

Siniguro niya sa mga pamilya ng mga OFW na makatatanggap sila ng kaukulang tulong mula sa gobyerno.

Nakikipag-ugnayan na rin ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa Crewlink International, ang manning agency ng limang manlalayag, upang makapagbigay ng tulong sa kanikanilang kaanak.

Ang natitira pang limang Pilipinong manlalayag ng lumubog na Korean ship ay hindi pa rin nahahanap habang tinitipa ang ulat na ito. - Samuel P. Medenilla