Bartolina ang kinahinatnan ng 12 gang leader sa loob ng Maximum Security Compound ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City matapos hindi tumalima sa dalawang oras na palugit ni Department of Justice (DoJ) Secretary Leila De Lima na isuko ang bilanggong responsable sa paghahagis ng granada na ikinamatay ng isang preso at ikinasugat ng 19 iba pa kamakalawa.
Dakong 6:00 ng gabi nang agad iniutos ni De Lima na ipasok sa “disciplinary cell” ang mga lider ng gang matapos mabigo ang mga ito na isuko ang naghagis ng MK-2 fragmentation grenade sa oblo ng Commando gang sa Building 5-B dakong 9:55 ng umaga noong Huwebes.
Bukod dito, sinuspinde rin ng kalihim ang dalaw sa mga preso sa NBP.
Pasado 2:00 ng hapon nang napasugod si De Lima at ang mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa NBP dahil sa nangyaring pagsabog.
Patuloy ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng NBI at Explosives Ordnance Division ng Muntinlupa City Police sa insidente.
Ayon sa prison officials, posibleng mula sa kasapi ng Sigue-Sigue Sputnik gang o Samahang Ilocano gang ang sinasabing naghagis ng granada makaraang makuha sa boundary ng kanilang oblo ang safety pin ng naturang pampasabog.
Hindi rin inaalis ang motibo na gang war, dahil ang namatay na bilanggong si Jojo Opangco at karamihan sa mga sugatan ay pawang miyembro ng Commando gang.