Tinagurian silang mga “taong grasa.” Palakad-lakad sila sa Maynila, marumi habang nanglilimos at nanghihingi ng pagkain.
Ngunit ngayong araw, hindi lang sila magkakaroon ng oportunidad na mapunan ang kumakalam na mga sikmura, ngunit magkakaroon din sila ng pagkakataong makapaligo.
Si Dr. Primitivo Chua, founder ng Manila Chinatown Lions Club, ay magoorganisa ng “Paliguang Bayan” sa Ermita Church sa Manila upang makatulong na rin para maihanda ang may 1,000 taong grasa sa pagbisita ni Pope Francis sa bansa sa susunod na linggo.
Sinabi ni Chua na sa pakikipagtulungan ng iba pang grupo, tulad ng Global Peace Foundation at ng Jaime Cardinal Sim Assembly Fourth Degree Knights of Columbus, magtatayo sila ng mga pansamantalang paliguan sa basketball court ng Ermita Church para sa mga taong grasa bilang maliit nilang kontribusyon para sa papal visit.
“Bibigyan namin sila ng sabon, tuwalya, may pampalit na damit at tsinelas,” sabi ni Chua.
Bukod sa pagligo, sinabi ni Chua na bibigyan din ng libreng lugaw, gupit, at medical at dental check-up ang mga palaboy.
Ngunit higit pa sa pisikal na preparasyon, sinabi ni Chua na nais din nilang magbigay ng inspirasyon sa mga nawawalan ng pag-asa.
“May inspirational talks din, sasabihan naman sila na ngayong malinis na sila, puwede na silang humanap ng trabaho,” aniya pa.
Sinabi rin ni Chua na umaasa siyang ang kanilang aktibidad ay magiging inspirasyon sa mas maraming tao upang tulungan ang mahihirap at nangangailangan. - Leslie Ann G. Aquino