Inaasahan na ni 2014 Le Tour de Filipinas champion Mark John Lexer Galedo na mahihirapan siyang maidepensa ang kanyang titulo lalo pa at target ng mga dayuhang koponan na masungkit ang napakaimportanteng puntos ng Union Cycliste International (UCI) sa pagpadyak ng ika-6 na edisyon sa Pebrero 1 hanggang 4.

Ito ay dahil nakataya sa natatanging UCI sanctioned na karera sa bansa ang mga krusyal na qualifying points na magagamit ng bawat siklista na makasikwat ng awtomatikong silya at makatuntong sa gaganaping 2016 Olympics sa Rio de Janeiro, Brazil.

“Napaka-challenging po ngayon ng Le Tour dahil hindi lamang may nagbabalik na dating champion kundi maging nga po ang nakataya ding Olympic qualifying points. Pero pipilitin po namin na makuha muli ang titulo,” sinabi ni Galedo sa pormal na paglulunsad ng karera sa Pandango Room ng makasaysayang Manila Hotel.

Maliban kay Galedo, ang dalawang kampeon na muling sasabak at asam na makapagtala ng kasaysayan bilang 2-peat champion ay sina 2011 titlist Rahim Emami, na dating miyembro ng Azad University Cycling Team), at ang kakampi nito na 2013 champ na si Ghader Mizbani ng Pishgaman Yzad Pro Cycling Team ng Iran.

DSWD, ipinag-utos ang agarang tulong sa mga pamilyang naapektuhan ni Carina

Walong katao lamang ang makakapag-uwi ng UCI points sa pagtatapos ng apat na araw na karera kung saan ay makukubra ng tatanghaling kampeon ang kabuuang 40 puntos, 30 puntos sa ikalawa, 16 sa ikatlo, 12 sa ikaapat, 10 sa ikalima, 8 sa ikaanim, 6 sa ikapito at 3 puntos sa ikawalo.

Sasabak din sa karera sa unang pagkakataon na bitbit ang pagmamahal at pangangalaga sa kalikasan ang limang baguhang koponan na Team Novo Disk na mula sa USA, RTS Santic at Attaque Team Gusto ng Taiwan, Singha Infinite ng Thailand at ang Kazakshstan National Cycling Team.

Nagbabalik naman ang Navitas Catalyst ng Australia, Pishgaman Yzad Pro ng Iran, CCN Team ng Brunei, Pegasus Continental ng Indonesia, Uzbekistan National Team, TPT Team ng Iran, Terengganu ng Malaysia, Bridgestone Anchor ng Japan at ang 7-11 Roadbike Philippines at ang Philippine National Team.