Ni GENALYN KABILING

Kumpiyansa si Pangulong Aquino na maituturing na “pivotal year” ang 2015 para sa sektor ng turismo at larangan ng international relations para sa kanyang administrasyon.

Ayon kay Aquino, ang kasalukuyang taon ay hindi lamang simula ng kampanya ng “Visit the Philippines” subalit panahon din upang palakasin ang relasyon ng bansa sa mga kaalyado nito.

“We have already welcomed the first batch of delegates for APEC 2015, and we will continue welcoming guests and dignitaries from all over the world, all of whom will be able to personally witness the large-scale positive transformation of our country,” pahayag ni Aquino matapos iprisinta sa kanya ang credentials ng pitong bagong foreign ambassador sa Pilipinas.

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

Naniniwala si PNoy na magandang oportunidad para sa mga mamamayan ang palakasin ang kampanya sa reporma, kooperasyon at pakikipagtulungan sa mga kaalyado hindi lamang sa Pilipinas ngunit maging sa ibang bansa.

Aniya, handa ang Pilipinas na makipagtulungan sa ibang bansa upang maitaguyod ang kapakanan ng mga Pinoy at mamamayan sa ibang rehiyon.

Sa seremonya sa Rizal Hall ng Malacañang kamakalawa, tinanggap ng Pangulo ang credentials ng apat na resident ambassador-designate at tatlong non-resident ambassador.

Ang apat na resident ambassador ay kinabibilangan nina Roberto Sebastian Bosh Estevez ng Argentina, Rolando Guevara Alvarado ng Panama, Maria Cristina Theresia Derckx ng The Netherlands, at Martinus Nicolass Slabber ng South Africa.

Ang tatlong non-resident ambassador ay sina Niranjan Man Singh Basnyat ng Nepal, Daniel Owassa ng Congo, at Geoffrey Keating ng Ireland.

“Excellencies, there is no better way to mark the start of the “Visit the Philippines” year than with your visit. We welcome you to the Philippines, a country home to a creative, dynamic, and talented people; a nation that has, for the past five years, shown the world that reform and integrity work; and a place of genuine warmth and friendship,” giit ng Pangulo.