ANG Pista ng Itim na Nazareno, na idinaraos taun-taon tuwing Enero 9, ay gumugunita sa traslacion o ang rituwal na paglilipat ng maitim na imahe ni Kristo, na gawa sa kahoy, sinlaki ng tao, at may pasan na krus, mula sa Quirino Grandstand hanggang sa Minor Basilica of the Black Nazarene (Simbahan ng Quiapo), kung saan naroong nakadambana ang orihinal na imahe mula pa noong 1787. Nakakintal sa prusisyon ang dakilang debosyon ng mga Pilipino at matinding paniniwala sa mga milagro ng Mahal na Poong Nazareno pati na ang kapangyarihan nitong magpagaling.
Inilalabas ang imahe mula sa Simbahan ng Quiapo upang pagpugayan ng publiko: tatlong beses sa isang taon – New Year’s Day, Enero 9, at Biyernes Santo. Ang traslacion sa Enero 9 na nilalahukan ng mahigit isang milyong deboto, ay ang pinakamalaki sa tatlo. Laksa-laksang naka-paang deboto na nakadamit ng maroon, na lalaki ang karamihan, ang kalahok sa gahiganteng prusisyon na gumugugol ng halos sampung oras. Ang Itim na Nazareno ay lulan ng isang sinaunang pulang karosa o andas na hila ng mga namamasan ang lubid na abaca patungo sa mga landas ng Maynila. Sa himig ng awiting Viva Señor, layunin nilang mahipo ang imahe o makahawak sa lubid.
Ang mga manonood, kabilang ang mga lokal at banyagang turista, sa mga daraanan ay naghahagis ng mga tuwalya o mga panyo sa hijos na nakasampa sa karosa at pupunasan ng mga iyon ang imahe saka ibabalik sa naghagis. Pinaniniwalaan na ang lubid sa kanang balikat ang pinaka-sagrado sa pahalik na una sa traslacion. Naroon ang paniniwalang may nakagagaling na kapangyarihan ang tuwalya o panyong naipahid sa imahe.
Karaniwang idinedeklara ng Manila City government ang pisa bilang special holiday. Isang 24-hour security plan ang inilalatag taun-taon ng Manila Police District at ng Metro Manila Development Authority upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan ng okasyon. Nagdidispatsa naman ang Philippine Coast Guard ng mga tauhan nito malapit sa mga tulay sa Pasig River. Nagde-deploy ang Philippine Red Cross ng medical staff at mga ambulansiya.
Hatid ng mga prayleng Augustinian Recollect mula Mexico ang imahe ng Itim na Nazareo, na inukit ng isang karpinterong Aztec, sa Pilipinas noong Mayo 31, 1606. Ang dahilan ng itim na kulay nito ay isang sunog na barko habang naglalayag. Una itong idinambana sa Rizal Park na ngayon, at doon din inilipat kalaunan ng noo’y Manila Archbishop Basilio Rufina noong 1608. Hindi naman nagalaw ang imahe sa mga sunog na naganap noong 1791 at 1929, at mga lindol noong 1645 at 1863. Noong World War II, binomba ang Maynila, ngunit hindi nagalaw ang Itim na Nazareno.
Ang kakaibang debosyong ito ng mga Pilipino sa Itim na Nazareno ay aprubado ni Pope Innocent X noong 1650 sa isang Papal Bull na nagtatag ng Cofradia de Santo Cristo Jesus Nazareno. Nagkaloob si Pope Pius VII noong ika-19 siglo ang indulhensiya sa mga masugid na nananalangin sa Itim na Nazareno sa Simbahan ng Quiapo.