Laro ngayon: (Smart Araneta Coliseum)
7 p.m. Alaska vs. San Miguel Beer
Mapasakamay ang 2-0 bentahe ang misyon ngayon ng Alaska sa muling pagtutuos nila ng San Miguel Beer sa Game Two ng kanilang best-of-seven finals series sa PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Sa pangunguna ni Calvin Abueva na nagposte ng 22 puntos at 10 rebounds, inangkin ng Aces ang 1-0 bentahe sa serye sa pamamagitan ng 88-82 panalo noong nakaraang Miyerkules.
Napag-iwanan ng 22-puntos sa pagtatapos ng first period, 5-27, unti-unting humabol ang Aces sa pagtutulungan nina Abueva, rookie na si Chris Banchero at beteranong si Dondon Hontiveros sa kalagitnaan ng second canto hanggang sa tuluyan silang makadikit sa pagtatapos ng third quarter, 49-54.
Gaya ng laging ipinagmamalaki ni Aces coach Alex Compton, ang ugaling hindi pagsuko at determinasyon na manalo na tinambalan nila ng depensa ang naging susi para makahabol ang Aces at makabig ang tagumpay.
``Credit goes to San Miguel Beer because they played and started very well. But that`s what I loved about these guys (Aces), they never give up,`` pahayag ni Compton. ``And again it`s our defense and teamwork that pull us through.``
Sa kabilang dako, aminado naman si coach Leo Austria ng Beermen na ang nakakasakal na depensa ng Alaska ang naging malaki nilang problema.
``Just like what happened in our first meeting, ‘yung depensa ng Alaska, talagang napakaganda at they were able to limit again Junemar (Fajardo) in the shaded lane, their suffocating defense really did it for them,`` ani Austria.
Kinakailangan lamang aniya na makapag-adjust sila at mas magkaroon ng matibay na compsure sa susunod na laban upang hindi masayang ang kanilang pinagpaguran.
``Adjustment na lang siguro sa compsure, kasi well prepared naman kami, ‘yun nga lang talagang pagdating sa kalagitnaan ng second quarter hindi na kami nakapag-execute ng maayos dahil nga sa depensa ng Alaska,`` ayon pa kay Austria.
Inaasahan din ni Austria na makababawi sa susunod nilang laban sina Alex Cabagnot at Chris Ross na hindi gaanong naramdaman sa Game One matapos makapagambag lamang ng 6 at 2 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Bukod dito, sisikapin din aniya nilang malimitahan ang kanilang turnovers na umabot sa 26 kumpara sa 17 ng Alaska.