Copy-of-9_barriga-619x397

Hindi pabor si Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Richie Garcia sa naging desisyon ng Association of Boxing Alliances of the Philippines (ABAP) na huwag isabak ang mga premyadong boxer na sina Mark Anthony Barriga at Charly Suarez sa nalalapit na 2015 Southeast Asian Games.

Ito ang inihayag ni Garcia na sadyang nadismaya sa ‘di pagkakasama ng ABAP sa pambansang koponan si Barriga (flyweight) at lightweight na si Suarez na madalas makapagbigay ng medalya sa bansa kung saan ay sinabi nito na lubhang makakaapekto ang desisyon sa kampanya ng Pilipinas.

“Remember, the Philippines is giving everything and paying them to give their service to the country,” sinabi ni Garcia.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ito ay matapos magdesisyon ang ABAP na hayaan na lamang sina Barriga at Suarez na sumagupa sa AIBA Pro Boxing Tournament kung saan ay kumikita ang mga boksingero sa bawat laban na kanilang makukuha sa bagong sistema ng internasyonal na asosasyon na AIBA.

Hindi ikinatuwa ni Garcia ang desisyon ng ABAP at maging sa dalawang boksingero dahil sasagupa ang mga ito sa isang torneo upang kumita at hindi pagsilbihan ang kanilang sariling bansa na nagbibigay sa kanila ng insentibo at buwanang allowances.

Una nang ipinaliwanag ni ABAP executive director Ed Picson na ang desisyon ng dalawang boksingero ay hindi makaaapekto sa kanilang pagpili ng mga ipapadalang boksingero sa 2015 SEA Ganes sa darating na Hunyo 5 hanggang 16 sa Singapore dahil maraming makukuha sa kanilang training pool.

Ang 21-anyos na si Barriga ay maraming katimbang sa 49 kg class habang maraming nakalinya para palitan ang 26-anyos na si Suarez sa 60 kg division.

Matatandaan na huling nabigo sina Barriga at Suarez na makatuntong sa 2016 Rio de Janeiro Olympics matapos na kapwa mabigo sa kanilang krusyal na labanan para sa Top 2 sa ginaganap na ranking tournament ng AIBA Pro Boxing.

Si Barriga ay una nang nakuwalipika sa 2012 London Olympics at nag-uwi ng tanso sa 2014 Asian Games sa Incheon matapos kubrahin ang ginto noong 2013 SEA Games sa Myanmar.

Si Suarez, ang two-time SEAG champion (2009 at 2011), ay nagkasya lamang sa pilak sa Incheon.