HINDI natinag sa labanan ng national TV ratings ang nangungunang kilig-serye sa primetime TV na Forevermore sa kabila ng pagkakaroon ng bagong katapat na programa.
Sa resulta ng viewership survey ng Kantar Media nitong Lunes (Enero 5), nakakuha ng national TV rating na 23.6% ang serye nina Liza Soberano at Enrique Gil, lamang ng walong puntos sa nakuha ng pilot episode ng programa ng Once Upon A Kiss (15.2%) ng GMA-7.
Lalo kasing hindi mapagkit ang mga sumusubaybay sa ngayong inihayag na si Julius (Kit Thompson) bilang bagong vice president ng Grande Hotel. Inaabangan kung maiisipan na ba ni Xander (Enrique) na bumalik at makipagkasundo sa kanyang pamilya o kuntento na siya sa simple ngunit masayang buhay niya kasama ni Agnes (Liza) sa Sitio La Presa.
Sa napakaikling panahon, dahil halos magtatatlong buwan pa lamang tumatakbo ang Forevermore, nakakuha na kaagad ng loyal supporters ang tambalan nina Liza Soberano at Enrique Gil na tinatawag ang kanilang grupo bilang ‘Xandnes’ mula sa pangalan ng mga karakter nila sa serye.
Napapanood ang Forevermore gabi-gabi, pagkatapos ng Dream Dad sa ABS-CBN Primetime Bida.