ANG mga limitasyon sa mga gastusin sa eleksiyon ay nakatadhana sa Republic Act 7166, na pinairal noong 1991, upang maiwasang lunurin ng mayayamang kandidato ang mahihirap nilang katunggali gamit ang kanilang walang hangganang resources. Ang mga kandidato para sa presidential at vice-presidential ay limitado sa paggasta ng P10 lamang kada nakalistang botante, P3 ang iba pang kandidato. Ang isang political party ay limitado sa paggasta ng P5 kada botante.

Sa loob ng maraming taon, nagawang ikutan ng mga kandidato ang mga limitasyong ito, minsan sa pagkakaroon ng mga independent organization na gumagastos ng sarili nilang pondo para maglagay ng ads sa media. Noong nakaraang taon, gayunman, ang halal na gobernador ng Laguna, si E. R. Ejercito, ay natanggal sa kanyang puwesto dahil sa paggastos ng mahigit P23 milyon gayong maximum na P4.5 milyon ang pinahihintulutan ng batas para sa kanyang nasasakupan.

Sapagkat papalapit na ang national at local elections sa Mayo 2016, isang bill ang inihain sa Kamara de Representantes upang amiyendahan ang RA 7166 upang gawing mas makatotohanan ang campaign spending limits. Dahil ang halaga ng piso noong 1991, nang ipatupad ang RA 7166, ay P3.41 na ang katumbas ngayon. Iminungkahi na i-multiply sa 3.41 ang mga limitasyon sa pinahintutulutang gastusin. Kaya ang presidential at vice-presidential candidates ay maaaring gumastos ng hanggang P34.10 kada botante, samantalang hanggang P10.23 ang maaaring gastusin ng iba pang kandidato. Ang isang political party ay maaaring gumastos ng hanggang P17.05 kada botante.

Ang isa pang bagay na dapat maresolba bago ang halalan sa 2016 ay ang isyu ng political dynasties. Ipinagbabawal ng Konstitusyon ang political dynasties “as may be defined by law” ngunit magpahanggang ngayon, matapos ang 28 taon mula nang ipairal ang Konstitusyon noong 1987, ang kinakailangang batas ay hindi pa naipapasa. Inaprubahan na ng Senado ang isang bill na nagbabawal sa asawa ng isang halal na opisyal o sa second degree na kamag-anak (mga lolo at lola, magulang, kapatid, anak, at apo) na kumandidatong kasabay ng nanunungkulan. Gayunman, ang bersiyon ng Kamara ay nananatiling walang aksiyon.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Marahil ang pinaka-kritikal na isyu na kailangang mapagpasiyahan ay kung tutularan ang automated elections noong 2010 at 2013 - o magpapatupad ng ilang pagbabago upang magkaroon ng mas maigting na transparency. Nanawagan ang Philippine Constitution Association at iba pang organisasyon para sa manu-manong pagbibilang ng mga balota sa mga presinto upang masaksihan ng taumbayan kung paano isinagawa ang pagbibilang at kasunod ang automated transmission ng mga resulta sa provincial at pagkatapos, sa national center.

Habang papalapit ang halalan, maaaring mas marami pang isyu ang lulutang sa Kongreso pati na rin sa mga public forum, ngunit kapag naaksiyunan ang tatlong ito lamang - ang election spending, political dynasties, at transparency, magtatagumpay tayo sa pagkakaroon ng isang eleksiyon na sasalamin sa tunay na pasya ng sambayanan.