Hindi nababahala si Justice Secretary Leila de Lima sa patung-patong na kaso na inihain laban sa kanya ng mga tinaguriang “high profile inmate” ng New Bilibid Prison (NBP) bunsod ng umano’y ilegal na paglilipat ng mga ito sa National Bureau of Investigation (NBI) detention facility.
Iginiit ni De Lima na wala siyang nilabag na batas sa kanyang desisyon na ilipat ang 20 high profile inmate sa NBI detention facility kung saan sila incommunicado matapos matuklasan ng awtoridad na sila ay namumuhay na mistulang mga “hari” dahil sa iba’t ibang gamit na bagamat ipinagbabawal ay naipuslit sa loob ng NBP.
Bilang dating chairperson ng Commission on Human Rights (CHR), ipinagtataka ni De Lima kung paano siya naakusahan na lumabag sa karapatang pantao ng mga sintensiyadong drug lord.
“Pinaninindigan ko ang aking mga desisyon sa paglilipat ng mga drug inmate dahil ito ay aking mandato at ito ay tungkol sa prinsipyo,” pahayag ni De Lima.
“Handa akong harapin ang ano mang kaso na inihain ng mga nagpapakilalang kinatawan ng mga preso,” dagdag ng kalihim.
Ayon kay De Lima, nagtatag na ng isang special team ang Office of the Solicitor General na hahawak sa mga kasong inihain laban sa Department of Justice (DoJ), National Bureau of Investigation (NBI), at Bureau of Corrections (BuCor).
Kumpiyansa si De Lima na ibabasura ng korte ang mga kasong inihain laban sa kanya ng mga convicted drug trafficker.