PARIS (AP)— Tila nais patunayan na ang lapis ay mas makapangyarihan kaysa patalim, tumugon ang mga cartoonist sa buong mundo sa walang habas na pamamaslang sa kanilang mga kasamahan sa hanapbuhay sa French satirical magazine na Charlie Hebdo sa natatanging paraan na alam nila: sa pamamagitan ng mga makakapangyarihang guhit na katumbas ng higit sa isanlibong salita.
Matapang, galit, mapanglaw, sarkastiko, at malaya, pinag-isa ng kanilang mga guhit ang mga cartoonist sa kanilang pagdadalamhati, sinisikap na mahanap ang kahulugan sa kawalang kahulugan, at nagpaabot ng iisang mensahe: Hindi tayo dapat at hindi maaaring patahimikin. Ang atake ng ilang guhit ay kapwa nakakatawa at nakakaiyak.
“Can’t sleep tonight, thoughts with my French cartooning colleagues, their families and loved ones,” sabi ni David Pope, cartoonist sa Canberra Times sa Australia, sa kanyang Twitter feed.
Iginuhit niya ang bangkay ng isang cartoonist at ng isang naka- hood na lalaki na may hawak na baril na umuusok pa at nagsasabing: “He drew first.”
Isa sa pinakamakapangyarihang guhit ay walang nakaguhit. Ang cartoon ni Christian Adam para sa The Daily Telegraph sa London ay nagpapakita ng blangkong espasyo na may nakasulat na: “Extremist approved cartoon.”
Isa namang Telegraph cartoon ang nagpapakita ng isang armadong lalaki na nagsasabi sa kasamahan na: “Be careful, they might have pens.”