NOONG Lunes, balik-trabaho, balik-paaralan, balik-traffic at balik-pakikipagsapalaran sa buhay matapos ang mahabang bakasyon dahil sa panahon ng Pasko. Ngayong taon, inaasahang ang populasyon ng Pilipinas ay magiging 101.4 milyon na. Noong ako’y nag-aaral pa sa UST at paminsanminsang nakikipag-date sa aking ex- GF, ang populasyon yata ay nasa 30-40 milyon lang kaya hindi problema ang pagsisikip ng trapiko kung kaya mabilis kaming nakararating sa pupuntahan.

Patuloy sa pagbagsak ang presyo ng mga produktong petrolyo, tulad ng gasolina. Dahil dito, dapat lang na magpatupad ng oil price rollbacks upang kahit paano ay maginhawahan ang mga motorista at ordinaryong mamamayan.

Pero bakit itinaas ng Department of Transportation and Communications na may basbas ni Sec. Joseph Emilio Abaya at Pres. Noynoy Aquino ang pasahe sa MRT-3 at LRT-1 and 2? Kung sa bagay, sa karanasan ko at ng aking ex-GF sa pagbibiyahe sa ibang bansa, talagang mahal ang pasahe sa mga tren sa US, Singapore, Hong Kong at Macau.

Ang $100 na ginamit ko sa ilang ulit na pagsakay sa mga subway sa US ay ubos agad. Mura pa rin ang pasahe sa MRT-3 at LRT-1 & 2 sa Pinas. Kaya lang mas madalas dito ang pagtirik at pagtigil dahil sa mga depekto hindi tulad sa US, Singapore, Hong Kong at Macau na well-maintained ang mga ito.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Hanapin at kilalanin ang isang lalaki na may hawak na armalite rifle na nagpapaputok noong bisperas ng Bagong Taon sa Narvacan, Ilocos Sur. Nakalagay ang larawan ng lalaki (pulis ba siya o sundalo?) sa Facebook. May isa pang picture sa FB ng isang lalaki na may hawak na pulang plastik na tabo na puno ng mga basyo ng bala ng M-16 armalite rifle. Gising, kilos kayo PNP at hanapin ang mayabang na taong ito para bigyan ng leksiyon!

Nabalitaan n’yo na ba na umulan ng yelo sa Middle East? Noong Miyerkules, iniulat na nagkaroon ng hale o ulan ng malilinggit na yelo (sinlaki ng sago) sa malaking bahagi ng Middle East kabilang ang maiinit na rehiyon. Sa sobrang lakas ng hangin na dala ng hail, lumaganap ito hanggang Syria kung kaya napilitang magsara ang mga paaralan at mga bangko at iba pang establisimiyento. Ito naman ang abnormal. Talagang malala na ang lagay ng climate change sa daigdig.