Dumulog na rin sa Korte Suprema ang isang consumer para hilinging pigilan ang pagpapatupad ng dagdag-singil sa kuryente.

Sa inihaing petisyon ni Remegio Michael Ancheta, hiniling nito sa Korte Suprema na magpalabas ng temporary restraining order (TRO) laban sa kautusan ng ahensya na may petsang October 7, 2014 na nagtatakda ng dagdag-singil na apat na sentimo kada kilowatthour umpisa sa buwang ito.

Sa ilalim ng dagdag-singil na hiniling ng National Transmission Corporation (Transco), ipinapasalo nito sa mga consumer ang dagdag-gastusin para sa renewable energy at feed-in tariff (FIT) scheme.

Kasama sa maaapektuhan ang mga konsyumer ng Meralco sa Metro Manila at karatig lalawigan.

'Opo, lumindol!' DOST-Batangas nag-sorry sa naging paraan ng earthquake updates

Iginiit ng petitioner na unconstitutional ang pagpayag ng ERC sa aplikasyon ng Transco para sa pagpapatupad ng provisional FIT-All scheme. Maituturing din umanong advance collection para sa mga developer ng Renewable Energy ang inaprubahang FIT Rules and Guidelines ng ERC.

Sa ilalim ng panuntunan, lumalabas na pagbabayarin na ang publiko sa kuryente na hindi pa naman nalilikha, dahil ang mga planta na sakop ng FIT program ay hindi pa nag-ooperate at hindi pa naman naipatatayo.

Dahil dito, naniniwala si Ancheta na nakagawa ng pag-abuso sa kapangyarihan ang ERC.

Batay umano sa 2015 forecast ng Transco, posibleng makalikom sila ng P230.12 million na FIT-All fund kada buwan o P2.7-bilyon sa buong taon.