Ni AARON RECUENCO

Sa usapin ng seguridad, itinuturing ng Philippine National Police (PNP) na mas malaking hamon ang pagbisita ni Pope Francis kumpara kay United States President Barack Obama noong 2014.

Ito ang paniniwala ni Chief Supt. Wilben Mayor, tagapagsalita ng PNP, dahil sa inaasahang pagdagsa ng milyung-milyong Katoliko na nagnanais makahalubilo o kahit masilayan man lang ang Santo Papa sa kanyang araw na pagbisita sa bansa sa Enero 15 hanggang 19.

“Ang kaibahan ay wala mga nagaabang sa dinaanang ruta ni President Obama mula airport hanggang sa kanyang destinasyon. Sa pagbisita ni Pope, inaasahan namin na milyun-milyon ang daragsa kahit saan siya pumunta,” ayon kay Mayor.

National

Kilalanin ang mambabatas na nasa likod ng Death Penalty for Corruption Act

Binisita ni Obama ang Pilipinas noong Abril 2014 at sandamakmak na seguridad ang inihain hindi lamang ng gobyernong Aquino ngunit maging ang US authorities.

“Kaya malaking hamon para sa amin (PNP) ito,” giit ni Mayor.

Kilala si Pope Francis sa pagbabalewala sa security protocol sa kanyang kagustuhan na makahalubilo ang mga maralita na matinding bangungot para sa mga nagbibigay seguridad sa kanya.

Isa lamang ang PNP mula sa 18 ahensiya na naatasan na magbigay proteksiyon sa Santo Papa sa kanyang pagdating sa Pilipinas.

Unang inihayag ni Mayor na mahigit sa 25,000 pulis ang itatalaga sa mga lugar na bibisitahin ng lider ng Katolikong Simbahan bukod pa sa itatalagang puwersa ng Armed Forces of the Philippines at Presidential Security Group.