Pinaalalahanan ng pamunuan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang mga pasahero na maapektuhan sa ilang oras na pagtigil ng mga biyahe sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na nataon sa pagbisita ni Pope Francis bilang bahagi ng seguridad ng pagdating at pag-alis nito sa bansa.

Ayon sa CAAP, pagdating ng papa sa Enero 15, walang eroplano na maaaring lumapag sa NAIA mula 2:00 ng hapon hanggang 5:15 ng hapon.

Ngunit, papayagang makaalis bago mag-alas 5:15 ng hapon ang mga eroplanong dumating sa NAIA ng mas maaga 2:00 ng hapon.

Naglagay naman ng staging area ang Manila International Airport Authority (MIAA) sa NAIA Terminal 1parking B kung saan iipunin ang mga pasaherong paalis at isasakay ng shuttle bus patungong Terminal 3 at 4.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa Enero 17-Sabado, nakatakdang tumulak ang papa papuntang Tacloban City, at sususpindihin muli ang mga biyahe sa NAIA mula 7:45 ng umaga hanggang 8:45 ng umaga at sa pagbabalik nito mula 5:45 ng hapon hanggang 6:45 ng hapon.

Sa araw naman ng pag-alis ni Pope Francis sa Enero 19, pabalik ng Roma, bawal muling lumapag sa NAIA ang mga eroplano mula 6:00 ng umaga hanggang 9:30 ng umaga.

Papayagan muling umalis ang mga eroplanong dumating bago mag- 6:00 ng umaga ngunit kailangang makalipad ang mga ito bago mag- 9:30 ng umaga.

Muli na namang ititigil ang mga biyahe sa NAIA mula 9:30 ng umaga hanggang 10:30 ng umaga.

Hindi bababa umano sa 400 biyahe o tinatayang 43,000 bilang ng mga pasahero ang maaapektuhan sa mga nabanggit na oras sa tigil operasyon sa NAIA.

Kasabay nito, iniutos ng CAAP sa mga kumpanya ng airlines na huwag maningil ng rebooking fee sa mga apektadong biyahe.

Inabisuhan din ng MIAA ang kaanak ng mga balak maghatid sa paliparan na ipatutupad nila ang “drop and go policy” na maliwanag na bawal tumambay sa lobby ng arrival at departure. - Mina Navarro