Pinatunayan ng isang tauhan ng Southern Police District (SPD) na mayroon pa ring mabuti at tapat pang mga pulis sa bansa.
Ito ay matapos na isauli ni SPO2 Rodel Ignacio Garcia ang isang mamahaling cellphone na kanyang napulot sa kalsada habang pauwi sa kanyang bahay sa San Pedro City, Laguna.
Si SPO2 Garcia ay nakatalaga bilang security/driver sa Office of the Deputy District Director for Administration (ODDDA) ng SPD.
Noong Lunes ng hapon, sakay ng kanyang motorsiklo ang pulis galing sa duty at pauwi sa kanilang tirahan sa San Pedro City,Laguna nang matagpuan nito sa kalsada ang isang iPhone 5S sa Holiday Homes,San Antonio,San Pedro City.
Ang isang brand new iPhone 5S ay nagkakahalaga ng halos P30,000.
Hindi naman sumagi sa isip ng pulis na pag-interesan ang naturang mamahaling cellphone dahil ang kanyang unang naisip ay isauli sa may-ari ito.
Inakala pa ni Garcia na naka-lock ang cellphone hanggang sa makipag-ugnayan ito sa tatay ng may-ari kaya agad na naibalik ito sa may-ari ng gadget.
“Hindi madaling magsauli ng nawalang cell phone, subalit hindi ito dahilan (para angkinin ko na ang gamit). Kailangan gawin natin ang tama. Hindi ibig sabihin kapag may napulot ka ay pagaari mo na ‘yun,” pahayag ni Garcia.
Umani ng papuri si Garcia mula sa kanyang mga kabaro dahil sa mabuting asal na kanyang ipinamalas.