Hindi kuntento si Pangulong Noynoy Aquino sa inihahandang seguridad ng 17 ahensiya ng pamahalaan para sa pagbisita ni Pope Francis sa bansa sa susunod na linggo.

Matapos ang apat na oras na pagpupulong sa Malacañang, sinabi ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas na mayroon pang ilang mga alituntunin sa paksa ng seguridad para sa Santo Papa na nais linawin si Aquino bunsod ng security plan na iprinisinta ng mga security official.

“Nirepaso at kinilatis ng pangulo ang mga plano sa bawat yugto ng pagbisita ng Santo Papa,” payahag ni Roxas sa panayam matapos ang isinagawang New Year’s call ng matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa kanyang tanggapan sa Camp Crame, Quezon City.

Aminado si Roxas na dapat pang palakasin ang matagal nang inihahandang seguridad ng PNP at 16 na ahensiya ng gobyerno na naatasang humawak ng seguridad para sa limang araw na pope visit.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Ang security preparation ay hinati sa dalawang bahagi: sa Metro Manila kung saan ang Santo Papa ay magdaraos ng misa at sa Leyte kung saan makikipagpulong siya sa mga nasalanta ng kalamidad at magdaraos din ng misa.

Sa panig ng PNP, mahigit 25,000 pulis ang itatalaga sa mga lugar na daraanan at kung saan mananatili si Pope Francis.

Kumpiyansa naman si Roxas na mapaplantsa ng mga ahensiya ng gobyerno ang mga kakulangan sa inilalatag na seguridad bago dumating ang bansa ang Santo Papa sa Enero 15. - Aaron Recuenco