NATUMBOK ng isang Feng Shui master ang isang masalimuot na paraan na pagpili ng mga nagwawagi sa kompetisyon nang kanyang ipinahiwatig: May pamumulitika sa judging system. Ang kanyang pananaw ay maaaring nakaangkla sa idinadaos na mga beauty pageant.
Batay sa mga personal na obserbasyon, naniniwala rin ako na may mga nagaganap na milagro, wika nga, sa pagpapasiya sa mga dapat parangalan sa anuman at alinmang paligsahan, tulad, halimbawa ng literary contest, sports competition at iba pa. Nangangahulugan ba ito na ang mga lupon ng inampalan ay napakikiusapan at nagagawa nilang papanalunin ang nais nilang magwagi?
Sa katatapos na Metro Manila Film Festival, halimbawa, hindi maiaalis na magpahayag ng saloobin ang producer ng ‘Andres Bonifacio: Ang Unang Pangulo’ hinggil sa judging system. Sa kabila ng paghakot ng naturang pelikula ng siyam na tropeo, hindi lamang siya ang naniniwala na dito rin dapat manggaling ang mga major awards na tulad ng Best Actor, Best Actress at Best Director. Ang ganitong mga pananaw ay kaakibat lamang, gayunman, ng silakbo ng damdamin ng sinumang kalahok – natalo man o nagwagi – sa mga paligsahan; hindi ito nangangahulugan ng pagmaliit sa kakayahan ng lupon ng inampalan na matiyagang nagsuri sa lahat ng kalahok sa MMFF.
Bigla kong naalala ang isang masalimuot na eksena sa gabi ng parangal ng isang tanyag na award-giving body na nagkakaloob din ng mga parangal sa mga artista at sa iba pang may kaugnayan sa paggawa ng pelikulang Filipino. Sa kainitan ng pagkakaloob ng mga tropeo, biglang naghain ng pagbibitiw ang halos lahat ng opisyal ng naturang organisasyon dahil sa inaakala nilang tiwaling pagpili ng mga nagwagi. Mula noon, ang nabanggit na award-giving body ay hindi na nakabangon sa matitinding pagbatikos.
Totoo, may mga kompetisyon na nababahiran ng kamandag ng pulitika. Mismong ang mga halalan ay nalalabusaw din ng kataku-takot na dayaan. Hindi ba
may pagkakataon na ang isang kandidato na halos walang nakuhang boto ay idinideklarang nagwagi?
Gayunman, sa alinmang kompetisyon, marapat lamang igalang ang pasiya ng lupon ng inampalan. Sabi nga sa wikang Kastila: El fallo de juez es inapelable.