Pinuri ni Presidential Adviser for Rehabilitation and Recovery (PARR) at dating hepe ng Philippine National Police (PNP) na si Secretary Panfilo Lacson si Department of Interior ang Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas sa pagpapatupad nito ng mga reporma upang linisin at disiplinahin ang hanay ng pulisya.

“Dahil sa nakaprograma, sadya at tuluy-tuloy na operasyon ng PNP na ipinatupad ni Sec. Roxas, pinagbuti ng pulisya ang pagganap sa kanilang mga tungkulin,” ani Lacson sa talumpati sa mga pulis noong Lunes sa National Ethics Day.

“Dapat na maging inspirasyon ng mga mamamayan at maging ng pulisya ang pamumunong tapat at marangal,” diin ni Lacson na pinayuhan si PNP OIC Deputy Director General Leonardo Espina na ibalik ang respeto at dangal na dating taglay ng mga pulis.

Sa maikling seremonya, naging saksi sina Roxas at Lacson sa turnover ng may 1,500 baril na gagamitin sa mga pagsasanay na nakatakdang isagawa ng mga pulis ngayong taon.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Sinabi naman ni Roxas sa paglulunsad ng OPLAN Lambat-Sibat noong nakaraang taon na layunin nitong ibalik ang tiwala ng taumbayan sa kanilang tagapagtanggol ng buhay at seguridad.

“Kung mas mabuti ang pagpupulis, mas maraming kriminal ang mahuhuli, mas kakaunti ang krimeng magaganap at lalong magtitiwala ang mga mamamayan sa kakayahan ng pulisya,” paliwanag ni Roxas.