BAGUIO CITY – Pinag-aaralan ng pamahalaang lungsod ang pagpapatupad ng isang one-way-traffic- scheme sa buong siyudad upang tugunan ang pambihirang pagsisikip ng trapiko na naranasan noong holiday seasons.
“Ito ang unang pagkakataon na naranasan namin ang ganun katinding traffic. Nagulat talaga kami, kahit ang mismong mga traffic enforcer ‘di alam kung paano ihahandle ang kaliwa’t kanang traffic sa buong lungsod, kaya nagpatawag ako ng emergency meeting ng Traffic Transport Management Committee (TTMC) para pag-usapan agad ang mga paraan upang masolusyunan ang problema at ‘di na maulit,” sabi ni Mayor Mauricio Domogan.
Matatandaang bago mag-Pasko ay nagsisikip na ang trapiko papunta sa siyudad, pero pagsapit ng Disyembre 26 at 27 ay nagmistulang parking area ang mga kalsada dahil sa tambak ng mga sasakyang hindi na gumagalaw sa gitna ng matinding trapiko makaraang umabot sa daang libo ang turistang dumagsa sa Baguio.
Hindi ito nagustuhan ng mga turista at maging ng mga residente, walang taxi o jeepney na masakyan kaya naglakad ang mga tao patungo sa kanilang destinasyon.
Nagmungkahi si Domogan ng isang one-way-traffic-scheme sa loob at labas ng lungsod. Ipatutupad ito sa Kennon Road paakyat samantalang ang Marcos Highway ay para sa mga bababa sa kapatagan. Ipatutupad din ito sa central business district area upang maiwasan ang pagsisikip ng trapiko sa mga lugar na patungo sa iba’t ibang tourist spot dito.
“Istrikto naming ipatutupad ang traffic rules and regulation. Ang isang dahilan ng trapiko ay ang mga walang disiplinang driver na gumagamit sa iba pang lanes, at dumadagdag sa problema,” paliwanag ni Domogan.
Ganap na ipatutupad ang nasabing traffic scheme sa Panagbenga Festival tuwing Pebrero at sa mga susunod na malalaking okasyon sa siyudad na karaniwang dinarayo ng mga turista. - Rizaldy Comanda