Nagdesisyon si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino na pagsuotin ng adult diaper ang mga ipakakalat na tauhan ng ahensiya na tutulong sa pananatili ng kaayusan sa prusisyon ng Itim na Nazareno sa Biyernes.

Ayon kay Tolentino, mahigit 2,000 tauhan ang itatalaga ng MMDA sa pista ng Black Nazarene at pangunahing trabaho nila ang maglinis sa mga kalat na maiiwan kasunod ng prusisyon.

Nais ng opisyal na pagsuotin ng adult diaper ang MMDA traffic enforcer upang wala nang dahilan ang mga ito na umalis sa kani-kanilang puwesto sa kabila ng inilagay na mga portalet ng MMDA sa mga istratehikong lugar.

Unang nagtayo ang MMDA ng satellite office sa Quirino Grandstand at pagkaalis lamang ng karosa ng imahen ng Itim na Nazareno ay lilinisin na ito ng mga tauhan ng ahensiya.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Bukod pa rito ang itinalagang MMDA rescue team na susunod sa traslacion at may nakapuwesto rin sa Pasig River.

Inabisuhan ni Tolentino ang mga motorista na iwasang dumaan sa mga lugar na dadaanan ng traslacion na asahang magsisikip ang traffic dahil sa mahabang prusisyon.

Miyerkules pa lamang ay inasahan nang daragsa ang mga deboto para lumahok sa mga aktibidad sa pista ng Itim na Nazareno, partikular ang pagpapahid ng panyo sa imahe na pinaniniwalaang nakapagpapagaling ng karamdaman o magbigay ng milagro sa nanampalataya.

Ngayong araw, Huwebes, ililipat ang imahe ng Itim na Nazreno sa Quirino Grandstand para sa taunang vigil at ibabalik sa Quiapo Church ng Biyernes sa pamamagitan ng prusisyon na inaasahang tatagal ng magdamag.