KAPAG nagpulong na ang Supreme Court sa mga petisyon para sa paghihinto ng dagdag-pasahe sa Metro Rail Transit (MRT) at ng Light Rail Transit (LRT), ang mahalagang legal issue ay kung may legal authority si Secretary Joseph Emilio Abaya ng Department of Transportation and Communication (DOTC) na simpleng iutos ang isang dagdag-pasahe.

Sa kaso ng mga bus at jeep, ang kahit na anong dagdag-pasahe ay sumasailalim sa proseso sa Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB). Idinaraos ng LTFRB ang mga pagdinig bilang pagtupad sa kanilang tungkuling quasi-judicial, kung saan binibigyan ng pagkakataon ang mga nagrereklamo na ipahayag ang kanilang hinaing. At pagkatapos, magpapasya ang LTFRB at mag-iisyu ng order.

Tulad ng mga bus at jeepney, ang MRT at LRT ay public utilities at, samakatuwid, dapat tumalima sa mga regulasyon. Kaya, ayon sa isa sa mga petitioner, ang Bagong Alyansang Makabayan, hindi sila maaaring magtaas ng pasahe nang walang abiso at pagdinig, at walang pahintulot ng isang regulatory agency.

Bukod sa legal point na ito, hindi mauunawaan ng libu-libong commuter kung paano nakapagpasya ang gobyerno, partikular na ang DOTC, nang sila-sila lang, ni hindi isinaalang-alang ang kanilang interes.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Matagal bago pa man lumitaw ang mga dagdag-pasahe, napipilitang pumila ang mga commuter sa mga lansangan kahit kayhaba para lang makasampa sa estasyon. Minsang sinubukan ito ni Sen. Grace Poe at inabot siya ng mahigit isang oras at kalahati bago siya nakarating sa kanyang destinasyon. At dumating nga ang mga serye ng aksidente, kabilang ang isang bagon ng MRT na bumangga sa concrete barrier na lumampas sa kalye sa Pasay City. Maraming insidente na huminto ang tren sa gitna ng biyahe dahil sa power failure at kinailangang maglakad ang mga commuter sa riles upang makarating sa susunod na estasyon.

Ayon kay Sen. Nancy Binay, P4.5 bilyon ang nakalaan noong 2012 na pambili ng bagong mga bagon ng MRT, ngunit isinantabi ang planong iyon at inilipat ang P4.5 bilyon bilang “savings” sa Disbursement Acceleration Program upang gamitin sa iba pang pinapaburang proyekto. Ang inaprubahan kamakailan na 2015 General Appropriation Act ay kabilang ang isang budget na P10.6 bilyon upang mapahusay ang railway systems, kasama ang MRT at LRT, aniya.

Sinabi ng ilang commuter na magiging katanggap-tanggap ang dagdag-pasahe kung mapahuhusay nila ang serbisyo. Ngunit inamin ng DOTC na ang makokolektang pondo mula sa dagdag-pasahe ay hindi mapupunta sa pagpapahusay ng kanilang serbisyo kundi para ipambayad sa utang.

Higit pa sa legal issue, ang pasahe sa light rail train ay naging simbolo ng mababang pagsasaalangalang sa taumbayan na kailangang sumakay ng mga tren, bus, at jeepney papasok sa trabaho araw-araw. Ang mga taong ito ay kailangan ding magbayad ng mas mataas na singil ng tubig simula ngayong buwan. Ito ang mga karaniwang mamamayan na minsang inilarawan ni Pangulong Aquino na kanyang mga “boss”. Hindi pa huli para sa administrasyon upang tugunan ang kanilang mga pangangailangan, hindi dahil sa isang legal decision kundi dahil karapat-dapat sila sa lahat ng suportang maibibigay ng gobyerno.