Wala pang kontrata na inia-award ang Commission on Elections (Comelec) sa Smartmatic-Total Information Management (TIM) para sa pag-repair ng may 82,000 voting counting machines, na gagamitin sa 2016 presidential elections.

Gayunman, ayon kay Comelec chairman Sixto Brillantes Jr., inaprubahan nila ang panukala ng consortium na suriin ang mga equipment mula sa mga posibleng aberya.

Paglilinaw pa ni Brillantes, alinsunod sa Comelec Resolution No. 9922 na may petsang Disyembre 23, 2014, inaprubahan nito ang P300-million proposal ng Smartmatic na i-diagnose ang precinct count optical scan (PCOS) machines na ginamit noong 2010 at 2013 elections.

Taliwas aniya ito sa ulat na ipinagkaloob na nila rito ang P1.2-billion contract para sa pagre-repair ng mga makina.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

“Para maliwanag lang, hindi pa namin kinokontrata ang Smartmatic. Ang in-approve lang namin ay ‘yung proposal nila for the first stage, which is checking the diagnostics of the 82,000 PCOS machines used in 2010 and 2013,” pahayag ni Brillantes.

Kinakailangan pa rin aniya na makipagnegosasyon ang Comelec sa Smartmatic upang matukoy kung maisasagawa ang diagnostics sa mas mababang presyo.

Ipinaliwanag ng Comelec chief na nagdesisyon ang poll body na huwag nang magsagawa ng public bidding sa diagnostics dahil ang Smartmatic, na supplier ng PCOS machines, ang nasa pinakamagandang posisyon upang tukuyin kung may mga problema ang mga makina.

“Sila ang nakakaalam kung ano ang dapat tingnan. Kung ibibigay sa iba ‘yung kontrata, mauubos ang oras natin sa public bidding. Hindi naman alam ng iba kung ano ang dapat nilang tingnan,” ayon kay Brillantes.

Inamin din niya na kinailangan niya, kasama sina Senior Commissioners Lucenito Tagle at Elias Yusoph na pumasok sa deliberasyon ng four-member committee kung kinakailangan pa ang public bidding. Maaari pa rin naman aniyang magsagawa ng public bidding ang Comelec para sa P900-million repair at maintenance contract sa PCOS machines.

“Bigay natin sa Smartmatic ‘yung pag-review at diagnostics ng machines tapos ‘yung actual repair, pwede na nating i-public bidding kung kinakailangan,” aniya pa.

Nauna rito, nagbanta ang election watchdog na Citizens for Clean and Credible Elections (C3E) na dudulog sa Korte Suprema para pigilan ang Comelec sa pag-award ng repair contract sa Smartmatic.