Hindi lang klase sa mga paaralan ang suspendido sa Biyernes, araw ng Pista ng Mahal na Poong Nazareno, kundi maging ang pasok sa mga tanggapan ng Manila City Hall.
Sa Executive Order No. 1 na inisyu ni Manila Mayor Joseph Estrada, hindi lang ang mga klase sa lahat ng antas ng mga pampubliko at pribadong paaralan, unibersidad at kolehiyo ang kanyang kinansela, kundi maging ang pasok sa lahat ng departamento at tanggapan ng pamahalaang lungsod.
Gayunman, may pasok pa rin ang mga magmamantine ng katahimikan at kaayusan, magmamando ng trapiko, disaster and risk reduction management, health and sanitation, nag-iisyu ng business permit at nangungolekta ng buwis.
Nilinaw naman ng alkalde na ipinauubaya niya ang pagsususpinde ng pasok sa mga national government office at pribadong tanggapan sa lungsod.
Inaasahang milyun-milyong deboto ang makikiisa sa traslacion ng Poong Nazareno sa Biyernes, dahil sa pananampalataya na nagdadala ito ng kasaganaan at kaligtasan.